Dear Atty. Acosta,
P’WEDE PO BANG maghiwalay ang mag-asawa dahil hindi sila magkasundo at sinasaktan ng mister ang kanyang misis?
– Maribeth
Dear Maribeth,
DAPAT TANDAAN NG bawat nagpapakasal na sisikapin nilang magkasundo at gumanap ng kani-kaniyang tungkulin bilang mag-asawa alang-alang sa kanilang mga anak na magiging apektado kung maghihiwalay. Ang sagradong pag-aasawa ay hindi parang kaning mainit na kapag napaso ay iyong iluluwa. Kaya nga ang mag-asawa ay nagsumpaang magsasama hanggang kamatayan.
Ngunit ayon sa ating Family Code, kung may legal at intolerable na dahilan ayon sa batas ay p’wedeng maghiwalay ang mag-asawa sa pamamagitan ng Petition for Declaration of Nullity (Arts. 35, 36, 37, 38 & 53), Annulment (Art. 45) at Legal Separation (Art. 55). Ang declaration of absolute nullity ay decision ng husgado na “void” ang isang kasal. Ang annulment ay isang proseso kung saan ay pinapawalang-bisa rin ng korte ang kasal. Sa declaration of nullity o annulment, binibigyan ang mag-asawa ng karapatan para makagpakasal muli. Kagaya ng annulment, kinakailangan ding mag-file ng petisyon sa korte para mai-declare na legally separated ang mag-asawa. Ngunit sa legal separation, ang mag-asawa ay mananatiling kasal pa rin. Ang tanging pinagkakaloob ng korte sa kanila ay ang karapatang mamuhay nang magkahiwalay. Sa gayon ay hindi p’wedeng mag-asawa ng iba ang magkabiyak dahil sa mata ng Diyos at ng tao ay legal na mag-asawa pa rin sila.
Sa iyong kaso, ang ‘di pagkakaunawaan ninyong mag-asawa ay hindi sapat na dahilan para ma-annul ang inyong kasal o mai-declare kayong legally separa-ted. Nakasaad sa ating Family Code ang mga kadahilanan para ma-annul o mai-declare na legally separated ang mag-asawa at ang ‘di nila pagkakasundo ay hindi kasama sa mga nakasaad na dahilan sa ating Family Code.
Samantala, ang minsang pananakit ng mister sa kanyang kabiyak ay hindi rin sapat na dahilan para ma-annul o mai-declare na legally separated ang mag-asawa. Ngunit, kapag ang pananakit ng mister sa kanyang kabiyak ay paulit-ulit, ang nasaktang kabiyak ay p’wedeng magpetisyon sa korte para sa legal separation. Ang paulit-ulit na pisikal na pang-aabuso sa isang kabiyak ay basehan para maipa-declare na legally separated ang mag-asawa (Article 55, Family Code of the Philippines).
Atorni First
By Atorni Acosta