NAG-APPLY PONG seaman ang aking kapatid. Dahil may problema raw sa kanyang papeles, hindi raw siya pinasampa at kakasuhan pa raw siya sa POEA. Paano po siya mapaparusahan bilang seaman eh, hindi pa nga po siya nakakasampa ng barko? — Alvin ng Daraga, Albay
MAY KAPARUSAHANG puwedeng ipataw sa sinumang nag-apply ng trabaho bilang seaman kahit hindi siya natuloy sa biyahe. May tinatawag na kaso sa pre-employment. ‘Eto ang ilang halimbawa:
1. Pagsumite ng mga peke o hindi totoong papeles, dokumento o impormasyon o anumang uri ng panloloko sa job application. Sa 1st offense, ang parusa ay isa (1) hanggang dalawang (2) taong pagkakasuspinde sa overseas employment program. Sa 2nd offense, ang parusa ay dalawang (2) taon at isang araw na pagkasuspinde sa overseas employment program hanggang sa pagkatanggal sa listahan ng POEA registry.
2. Hindi pagsakay sa barko nang walang tamang dahilan kahit na naaprubahan na ang dokumento para sa trabaho at pag-alis ng bansa. Sa 1st offense, ang parusa ay isa (1) hanggang dalawang (2) taong pagkasuspinde sa overseas employment program. Sa second offense, ang parusa ay dalawang (2) taon at isang araw na pagkasuspinde sa overseas employment program hanggang sa pagkatanggal sa listahan ng POEA registry.
LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected].
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo