HABANG PATULOY SA paghahanap ng butas sa isa’t isa at pagbabatuhan ng putik sina presidential candidate Benigno Aquino III ng Liberal Party at Manuel Villar ng Nacionalista Party, kampante naman ang pambato ng Lakas-Kampi-CMD na si Gilbert “Gibo” Teodoro na hindi maapektuhan ng mga naglalabasang resulta ng survey ang kanyang kandidatura.
Patunay rito umano ang naging pagtanggap kay Teodoro ng libu-liubong tao na dumalo sa campaign rally na isinagawa noong Biyernes ng gabi sa Mandaluyong City. Hinamon pa ni Teodoro ang mga kumpanyang nagsasagaw ng iba’t ibang survey na ilaban ng mga ito ang kanilang 1,500 na sample sa may 30,000 tao na dumadalo para suportahan siya sa kanyang kampanya sa pagkapangulo.
“Let them match what happened tonight. No entertainers, no controlled crowd,” maalab na pagtatalumpati ni Gibo mula sa entablado sa Nueve de Febrero Street, na binalikan ng malakas na hiyawan ng pagsang-ayon ng mga makapal na taong nagtipun-tipon sa nasabing rally.
“I’ll match the anonymous 1,500 respondents that they usually ask for their surveys with the 30,000 who are now here—1,500 against 30,000. I’ll place all my bets on you.”
Sinabi pa ni Teodoro sa kanyang naunang talumpati na mukhang nagkamali siya ng petsa, dahil dinaig pa umano ng miting de avance ang dami ng taong dumalo.
Sa kanyang pagharap sa press sa gilid ng entablado, sinabi ni Teodoro na hindi siya makapaniwala sa napakalaking bilang ng taong dumalo sa rally.
“This is a turning point. Amidst all the black propaganda, people come out to show their support for all of us. And amidst all the mind-conditioning of surveys, what have you, this is the real survey: the 30,000 outside.”
Inihayag din niya ang kanyang apila: “To all our volunteers, to the youth, to the students, this is the time to come out and make a stand. Make your voices heard, and make the people feel your strength.”
Para naman sa mga hindi pa desidido: “We will convince the undecided by saying that competence, credibility is the key to the future of this country.”
Ayon kay Mandaluyong Mayor Benhur Abalos, Jr., ang nasabing rally noong Boyernes ay para ipakita na ang nasabing lungsod, na may 200,000 rehistradong botante, ay solidong sumusuporta kay Teodoro.
Sinabi pa niya na siya, ang kanyang vice mayoral candidate na si Rene Sta. Maria, mga kandidato sa pagka-konsehal, at ang 26 sa 27 barangay chairperson ay masigasig na nangangampanya para kay Teodoro.
Gusto umano nilang ipakita sa buong bansa na hindi sila naniniwala sa mga survey, sabi pa niya sa mga mamamahayag.
Pinoy Parazzi News Service