NAGTATAKA SI CARLA Abellana kung bakit may tsismis na lilipat na rin daw yata siya sa ABS-CBN. Ito nga ang kaagad niyang nilinaw nang makausap namin sa red carpet premiere ng My Neighbor’s Wife sa SM Megamall Cinema 4 last Sunday.
“Hindi ako lilipat,” aniya. “Well… mag-i-expire na po ang aking kontrata sa GMA. Last soap ko na po ‘yong ngayon na Kung Aagawin Mo Ang Langit. Pero wala naman akong balak lumipat.
“Depende kung hindi ako iri-renew ng GMA, ‘di ba? Pero siyempre may loyalty and my faithfulness belongs to GMA. Mahal ko ang GMA as my home network. And I’m so thankful sa lahat ng opportunities na naibigay nila sa akin.
“So wala naman. Wala namang offer (ang ABS-CBN) or anything. Ang alam ko lang, my contract is expiring. And siyempre nasa GMA na iyon if they want to renew it. Kung iri-renew pa nila ako, I’m sure naman tuluy-tuloy lang ang soap opera. Sana mabigyan pa ng chance to work with other leading men. And sana more movies.”
Sinu-sino bang leading man ang gusto niyang makatrabaho?
“Sa Kapuso? I’ve worked with Geoff, now I’m working with Mike Tan. Hindi ko pa nakakatrabaho si Dennis (Trillo) sa isang full soap talaga. Sino pa ba? Mark Anthony Fernandez… Dingdong Dantes.”
Pero kapag with Dingdong, may tendency na magkaroon ng intriga o issue with Marian gaya ng ibang nakapareha nga ng aktor?
“Hindi naman. I don’t think so. Friends naman kami ni Marian. At saka I look up to her. And she respects me also. So… wala naman.”
Ganyan?
ZERO RAW ANG lovelife ni Dennis Trillo sa kasalukuyan. At choice raw niya kung wala man siyang karelasyon ngayon.
“Medyo lie low muna ako sa lovelife,” ani niya. “Ang importante sa akin… trabaho. Pagkatapos nitong My Neighbor’s Wife, baka may gawin kami for filmfest. Tapos may ginagawa rin ako for TV. So do’n muna ako nagpu-focus ngayon.
“Hindi ko muna talaga pina-priority ang lovelife sa ngayon. Dahil maganda naman ang mga nangyayari sa akin kahit wala akong lovelife. So… pinapanatili ko na ganito na lang muna. Dahil okey naman ang nangyayari, e. Baka kapag may ginawa akong isang bagay. Or isang big move. Baka biglang magbago lahat. Magandang ganito na lang muna.”
Ang ex-girlfriend niyang si Carlene Aguilar, malapit nang magsilang sa ipinagbubuntis nito sa napa-ngasawa. Pero may pangakong binitawan na she and her husband will still take care of Calix (anak ni Dennis kay Carlene).
“Oo. Responsibilidad pa rin naman niya ‘yon kahit may bagong baby na siya. Siyempre hindi niya dapat na pabayaan ang anak ko. And nandito pa rin ako palagi. Niri-remind ko sa kanya iyon na nandito ako… if ever kailangan niya ng tulong para sa anak namin. Gano’n pa rin, hindi mawawala ‘yong magandang samahan.”
Hindi ba niya hahangaring sa kanya na lang mapunta ang custody para sa kanilang anak?
“Sa Mommy (kay Carlene) pa rin. Kasi bata pa ‘yong anak ko, e. Until mag-seven siya, do’n pa lang siya makakapili kung saan niya gusto. Lagi naman kaming lumalabas at nagbabakasyon paminsan ni Calix, e. Everytime na wala akong trabaho. Nagagawa ko naman na mahiram siya nang matagal.”
Naiisip ba niya na baka magkaroon ng competition na between him at ‘yong husband ni Carlene na tumatayong pangalawang tatay nga ni Calix?
“Wala naman. Kasi as early as now, ini-explain naman namin sa kanya (Calix) ‘yong situwasyon na gano’n. Na wala namang problema. So… hindi siya dapat na maapektuhan. And as much as possible, ayaw naming maapektuhan ang paglaki niya bilang isang mabuting tao. Lumaki si Calix sa Mommy niya. At ‘yong pangarapin ko na kunin siya roon sa kinalakihan niya, siyempre medyo mahirap ‘yong parte na iyon para sa kanya. Pero siyempre, sino ba ang ayaw na makasama ang anak? Pagdating sa suporta ko sa bata, ‘alang problema rin. Hundred percent ang suporta na ibinibigay ko para sa anak ko. Of course.
“Kami ni Carlene, lagi naming napag-uusapan kung ano ‘yong best para sa anak namin. Ayoko na lang idetalye kung anu-ano iyon. Basta wala kaming problema,” panghu-ling nasabi ni Dennis.
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan