TALIWAS SA SINABI ni P-Noy sa kanyang inaugural speech na tatahakin ng kanyang pamunuan ang matuwid na daan para sa atin na mga boss niya, ang ilang mga pulis sa Cavite ay garapalang tumatahak ng baluktot na daan – ang masaklap pa, ang isang miyembro ng piskalya roon ay tumatahak naman ng baku-bakong daan. At dahil dito, isang pamilya sa Barangay San Vicente, Silang, Cavite ang matapos malooban, manakawan at pagtangkaang kotongan, sila pa ang ipinasok sa kulungan.
Noong July 24, pumasok sa bahay ng pamilyang Herrera ang mga pulis na sina PO2 Redentor Dogelio, PO2 Joel Vinzon, PO3 Maribel Sorilla at PO2 Andy Viadumang. Hinahanap nila ang isang Bryan Santos. Nang hindi nila makita si Santos, hinalughog nila ang bahay ng mga Herrera at sinamsam ang mga pera, alahas at iba pang mga mahalagang bagay. Binitbit din nila ang tatlong miyembro ng pamilya patungong presinto.
Pagkatapos noon, tinawagan ng mga pulis ang isa sa mga kamag-anak ng tatlo at hiniling na tubusin ang mga ito sa halagang 500 thousand pesos, kundi ay tutuluyan silang ipakukulong. Nai-record ng mga Herrera ang pakikipag-usap ng isa sa mga pulis sa kanila habang nakikipagtawaran sa hinihinging tong.
Nang magsumbong ang mga Herrera sa Provincial Director ng Cavite na si Col. John Bulalacao noong July 25 ng umaga, umuusok daw sa galit si Bulalacao. Mas lalong nagatungan pa raw ang galit ni Bulalacao nang aminin ng isa sa mga pulis na boses nga niya ang na-record na nakikipagtawaran sa 500 thousand pesos. Agad daw na ipinag-utos ni Bulalacao na ipakulong ang apat niyang pulis.
Ngunit kinabukasan, July 26, nang magpunta si Allan Herrera sa WANTED SA RADYO para magsumbong at tawagan ng WSR si Bulalacao, bigla itong nagkaroon ng severe amnesia. Hindi na niya matandaan ang kaso ng mga Herrera. Saka pa lang bumalik ang kanyang memory nang magsalita si Allan. Inamin ni Bulalacao na wala siyang ibinigay na mission order para sa tatlo na i-raid ang bahay ng mga Herrera. A-minado rin siya na walang dalang search warrant ang kanyang mga tauhan at walang proper coordination ang mga ito sa PDEA at sa pinakamalapit na presinto na may sakop sa ni-raid na bahay.
Gayon pa man, sinabi ni Bulalacao na dahil may allegation daw ang kanyang mga pulis na may nakuha umanong droga sa bahay ng mga Herrera kaya hindi puwedeng pakawalan ang tatlong kamag-anak nitong hawak ng kanyang mga pulis.
Nang araw rin ng July 26, gabi, iniharap saglit ang tatlong Herrera kay Fiscal Oscar Jarlos para sa isang inquest proceeding. Ang inquest proceeding ay ginanap umano sa labas ng RTC Building – sa bangketa. Hindi nilinaw ng piskal sa tatlo kung ano talaga ang kaso nila maliban sa ito raw ay paglabag sa Section 11 at 12. Hindi rin ipinakita sa kanila ang sinasabing ebidensiyang nakuha ng mga pulis sa nasabing raid. Hindi rin sila binigyan ng abogado mula sa Public Attorney’s Office.
Matapos ang inquest, itinuro umano ni Jarlos sa mga Herrera ang dalawang nagngangalang Sammy at Ian na siyang puwedeng mag-process daw ng kanilang piyansa na magkakahalaga ng 60 thousand pesos. (Itutuloy)
Shooting Range
Raffy Tulfo