PAGSAPIT NG HUWEBES ng hapon, bandang alas tres, July 28, nagbigay ng paunang bayad na P4,000 ang mga Herrera para sa piyansa ng kanilang tatlong mga nakakulong na kamag-anak. Iniabot ang halagang ito kay Sammy sa kanyang maliit na opisina sa tabing building ng RTC.Matatandaang si Sammy at isa pang nagngangalang Ian ang inirekomenda umano ni Fiscal Jarlos sa mga Herrera na siyang tutulong sa pag-process ng kanilang piyansa.
Kinabukasan ng umaga, Biyernes, nag-abot ng P40,000 ang mga Herrera para pa rin sa piyansa, at ito ay muling iniabot kay Sammy. Kinahapunan, nakapag-produce ng karagdagang P7,000 ang mga Herrera at iniabot naman ito sa isang di nakikilalang babae – sa loob pa rin ng opisina ni Sammy.
Kinagabihan, nakapaglikom ng P10,000 ang mga Herrera para pambayad sa kabuuang halaga ng piyansa na P60,000. Ang sampung libong pisong ito naman ay iniabot kay Ian sa opisina umano ng S2 ng Police Provincial Headquarters. Kasunod noon, agad na pinakawalan ang tatlong mga nakakulong na Herrera.
Sa lahat ng nabanggit na cash transaction – na ginawa sa labas ng korte, walang ibinigay na kapalit na O.R. sa mga Herrera.
Nakausap ng WANTED SA RADYO si Fiscal Jarlos noong Lunes, August 1. Sinabi niyang tumanggi raw ang mga Herrera sa kanyang alok na mabigyan ang mga ito ng PAO lawyer nang sila ay i-inquest. Sinabi rin niyang ipinakita raw niya sa mga ito ang ilang mga sachet ng Shabu na na-recover daw ng mga pulis sa bahay ng mga Herrera sa inquest proceeding.
Sinabi ng WSR kay Jarlos na walang search warrant ang mga pulis nang magsagawa ng raid at walang prior coordination sa PDEA na isang S.O.P. sa isang anti-drug operation. Idinagdag din ng WSR na wala rin silang ginawang coordination sa pinakamalapit na presinto na nakakasakop sa ni-raid na bahay – na isa pa ring S.O.P. na nakatala sa Police Operational Procedure.
Ngunit bumuwelta si Jarlos at sinabi niyang ligal ang ginawa ng mga pulis at hindi na raw kailangan ng search warrant dahil caught in the act naman daw ang mga Herrera habang gumagawa ng iligal sa loob ng kanilang bahay.
Pero nasukol siya ng WSR nang tanungin siyang paano maaaktuhan ng mga pulis ang mga Herrera na gumagawa sa loob ng kanilang bahay nang iligal, kung totoo man, nang hindi pumapasok muna sa loob ng bahay ang mga pulis. At kapag ginawa nila ito, iligal na kaagad iyon sapagkat aminado ang mga pulis na wala silang search warrant? Hindi makasagot si Jarlos.
Sa complaint affidavit ng mga pulis na isinumite sa piskalya, sinabi nilang base sa isang tip, pinuntahan nila ang bahay ng mga Herrera. Dinatnan nila na nakabukas daw ang gate ng mga ito kaya sila nakapasok ng bakuran. Nang nasa loob na ng bakuran, napansin daw nilang may ilang kababaihan na kahina-hinala umano ang mga kilos sa loob ng bahay, kaya pumasok sila para mag-usisa.
Nang makapasok ng bahay, nakita raw nila na gu-magawa ng mga iligal na aktibidad ang mga naroroon kaya nagsagawa sila ng mga pag-aaresto – daw.
Ang WSR ay mapapakinggan sa 92.3 FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0917-7-WANTED
Shooting Range
Raffy Tulfo