NABALITAAN KO PO na isang ahensiya ang madalas makapagpabiyahe sa Taiwan. Laking tuwa ko nang malaman kong ang kamag-anak ko ay empleyada pala nila. Siya ang tumulong sa akin na mag-apply doon. Matapos kong makapagbayad ng P100,000.00 na placement fee, agad naman niyang isinaayos ang aking mga papeles. Pero lumipas ang limang buwan at wala pa ring nangyari sa aking application.
Hanggang malaman ko na nagsara na ang ahensiya. Tanging ang pinsan ko na lamang ang kakilala kong naiwan at naglaho na lahat ang mga opisyales ng ahensiya. Nang pina-kiusapan ko ang pinsan ko na ibalik sa akin ang pera ko, wika niya’y ‘di niya alam na hindi pala rehistrado sa POEA ang agency. At ang intensiyon niya lang naman ay matulungan akong magtrabaho sa ibang bansa. Katuwiran po ba ‘yun?
—Emma ng San Ildefonso, Bulacan
HINDI KATUWIRAN ‘YON. May kaso pa rin ang pinsan mo ng illegal recruitment.
Hindi dahilan na hindi niya alam na wala palang lisensiya ang ahensiya. Dapat ay alam niya ito bilang empleyada sa nasabing agency. Hindi rin depensa ang mabuting intensiyon niya na tulungan ka. Sa krimen ng illegal recruitment, ang tinitingnan ng batas ay ang pinsala na naidulot sa iyo at ang paglabag nila sa batas. Mabuti o masama man ang intensiyon, may kaso pa rin silang haharapin.
LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users) E-mail: [email protected]
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo