BINATIKOS NI ATTY. Redemberto R. Villanueva si Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 221 Judge Jocelyn Solis-Reyes sa umano’y “mistaken transfer” ng kanyang kliyente, si Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Gov. Zaldy Ampatuan, mula sa isang piitan sa Gen. Santos City patungo sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig.
Sinabi ni Villanueva sa isang hearing sa harap ni Judge Reyes na ang commitment order na inisyu niya noong Abril 15 ay “flawed” dahil ito ay naka-address sa warden ng Metro Manila District Jail sa Bicutan at hindi sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Gen. Santos City, na may kustodiya kay Zaldy Ampatuan.
Iginiit ng abogado na nauna na niyang sinalungat ang paglilipat kay Zaldy Ampatuan sa Bicutan ngunit sinabi umano ni Judge Reyes na tatalakayin ang usapin sa isang pagdinig kahapon, Abril 19, “noting that she could not rescind the order.”
Si Zaldy Ampatuan, ang kanyang amang si Maguindanao Gov. Datu Andal Sr., at iba pang miyembro ng pamilya, ay inilipad mula Mindanao patungo sa Villamor Airbase noong Biyernes ng gabi.
Ani Villanueva, sa pagdinig kahapon sa kanyang mosyon para linawin ang commitment na inisyu ni Judge Reyes noong Abril 15 na ang April 13 resolution ng the Supreme Court (SC), sakop lamang ang paglilipat kay Andal Ampatuan Jr. mula sa National Bureau of Investigation (NBI) patungo sa Camp Bagong Diwa.
Bukod dito, binigyang-diin ni Villanueva na ang March 24, 2010 order ng QC RTC Branch 221 ay sinabing ang akusado “shall remain in their places of detention.”
Nabigla si Villanueva sa pagkalipat ni Zaldy dahil may nakabinbing motion for reconsideration sa Branch 77 ng QC RTC sa kaparehong isyu.
Ibinasura ng Branch 77 ang kasong rebelyon laban sa mga Ampatuan ngunit iniapela ng Department of Justice (DOJ) ang ruling.
Ani Villanueva, nakiusap siya sa CIDG sa Gen. Santos City na huwag payagan ang paglipat kay Zaldy Ampatuan sa Maynila ngunit nagtaingang-kawali ang CIDG, at sinabing ang gayong paglilipat ay labag sa standing order ng Branch 77.
Idinagdag niya “that Judge Reyes practically countermanded the order of Branch 77, which has not entertained the motion for transfer.”
Iginiit din ni Villanueva na sinabi ni Judge Reyes na ang branch sheriff ay lumipad patungong Gen. Santos City upang mabigyan lamang ng kopya ng commitment order ang CIDG.
Sa pagbasa sa naturang commitment order, lumitaw na ito ay para sa warden ng Camp Bagong Diwa at hindi para sa CIDG sa Gen. Santos City, isang katotohanang inamin ni Judge Reyes. (Lira Pineda)
Pinoy Parazzi News Service