“WALA KAMING AWAY sa mga recipients ng PCSO benefits para sa isang mabuting layunin.”
Idiniin ito kahapon ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Chair Margie Juico pagkatapos ng unang araw ng Senate investigation tungkol sa diumano’y PCSO scam nu’ng Arroyo administration.
“Ang aming tanging layunin ay malaman kung ang pagbibigay ng mga benepisyo ay ayon sa inuutos ng batas,” sabi pa niya.
Pinabulaanan ni Juico ang pinakakalat na malisyosong balita na ang layunin nila sa im-bestigasyon ay para siraan ng walang basehan ang PCSO old board.
“Ang Commision on Audit (COA) reports ang aming basehan. Hindi namin ginawa ito.
Natuklasan ng COA na maraming donasyon ay kuwestiyunable at illegal. Tayo ay pamahalaan ng batas at ang batas ay dapat ipatupad. Katungkulan namin sa mahihirap na pangalagaan ang pondo ng ahensiya para magbigay ng ibayo pang paglilingkod sa kanila,” giit pa ni Juico.
Sinabi rin ni Juico na ang maraming resulta ng imbestigasyon sa Senado ay maaaring magbigay ng significant inputs sa kanilang ipinatutupad na reporma ngayon sa ahensiya.
“Ang PCSO ay isang matatag at malakas na institution ng paglilingkod sa ating mahihirap. Ito ay dapat pa nating patatagin at palakasin para makapaglingkod pa sa kanila,” patapos niya.
Samantala, sa kanyang “Ulat sa Bayan,” pinapurihan ni Presidente P-Noy si Juico dahil sa pagpapatupad niya ng mga kailangang reporma sa ahensiya. “Ang mga repormang ito ay ayon sa ating “matuwid na daan” na prinsipyo. Bigyan natin si Juico ng kaukulang tapang at lakas ng loob.”