ANG RUNNING at jogging ay sikat na sikat na uri ng physical activity ngayon. Sa bawat limang Pinoy, isa ang tumatakbo rito. Napaka-convenient nito dahil hindi mo kinakailangan magpa-member sa gym para mag-jogging o mag-running. Basta’t ikaw ay may running shoes, at maluwag na lugar na tatakbuhan, game na!
Ang pinagkaiba ng running at jogging ay iisa lamang, ang intensity. Sa running kasi, kinakailangang mas intense at mas maging mabilis ang pagtakbo mo habang sa jogging, sakto lang. Pero-pareho silang uri ng aerobic exercise.
Narito ang listahan ng mga health benefits ng running at jogging.
- Tumutulong ito sa pagpapalakas ng ating buto.
- Dine-develop at pinalalakas din ang ating muscles sa katawan.
- Pinabubuti nito ang ating cardiovascular fitness.
- Nakatutulong ito sa pagbabawas ng timbang o pag-maintain ng malusog na pangangatawan.
Sabi nga nila kung gusto, maraming paraan, kung ayaw, maraming dahilan. Kung ang iba sa inyo ay pakipot pa at ayaw pa ring gawin ang pagtakbo at mas pinipili pa rin ang gumastos sa mga membership gym clubs, dahil at least doon, may puwesto o lugar sila, naku po. Hayaan n’yong sabihin ko sa inyo na tumingin-tingin lang kayo sa paligid, mayroon at mayroong lugar talaga kung saan puwede kayo mag-running o jogging nang libre pa.
- Greenhills Shopping Club
Bumangon nang maaga at magtungo sa Greenhills Shopping Club. Sabayan ang maraming Pinoy na nagdya-jogging o running paikot ng nasabing lugar. Dahil tanghali pa nagbubukas ang mall, sinasamantala ito ng mga runners at joggers tumakbo paikot ng ilang sessions habang wala pang maraming tao at mga sasakyang naka-park.
- Marikina Sports Center
Kung ikaw ay nalalayuan sa Greenhills at isang Certified North person, sa Marikina Sports Center ka tumakbo. May bayad itong P10.00. Ano naman ang laban ng P10.00 mo sa libo na ibinabayad mo sa gym, ‘di ba? Kaya mas tipid ka pa rin dito. Bukas ang Marikina Sports Center nang 6:00 am hanggang 12:00 ng madaling-araw. Kaya samantalahin mo ang 400 meter track oval na ito at lubusin ang P10.00 sa pag-ikot sa oval ng maraming beses.
- UP-Diliman
Kung kuripot na North Person ka at ayaw talagang gumastos ni sampung piso, sa UP-Diliman ka magtungo. Kilala ang lugar hindi lang isa sa pinakamagaling na unibersidad kundi isa sa dinarayo ng mga runners at joggers. Mapa-umaga man, hapon o gabi, marami ang tumatakbo rito. At kung naikot mo ang buong campus, bigyan ng reward ang sarili at tumikim ng famous isaw ng UP.
- Ayala Triangle, Makati, Bonifacio Global City, Fort Strip, at Emerald Avenue, Ortigas, Pasig City
Kung ikaw ay isa ng miyembro ng yuppies community at idinadahilan ang layo ng trabaho sa mga naunang suhestyon, wala pa ring excuse diyan! Kung ikaw ay nagtatrabaho sa Makati, ano pa ang saysay ng Ayala Triangle, ‘di ba? Kung ikaw naman ay sa The Fort nagtatrabaho, may BGC Fort Strip naman, at kung sa Ortigas lang ang building n’yo, may Emerald Avenue pa ring naghihintay sa iyo para takbuhan mo.
Kaya kung kumbinsidung-kumbinsido ka na, subukan ang in na in na running at jogging, kung ikaw ay overweight, may 40 na edad pataas, at may karamdaman, kumonsulta muna sa payo ng iyong doktor. Kung malakas naman ang iyong pangagatawan, magpaalam muna sa iyong mga magulang.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo