Kgg. na Atty. Acosta,
AKO PO ay mahigit sampung taon nang hiwalay sa asawa pero kasal po kami. Tanong ko lang po, may karapatan po ba akong humingi ng suporta sa kanya? May kinakasama po siya at pinsang buo pa niya. May 1 po kaming anak na grade 6 na po. Noong isang taon nag-try po akong humingi ng suporta para sa anak namin at pumayag po siya, kaya lang po hanggang ngayon ay ‘di po niya binibigay ‘yung suportang pinag-usapan namin. Lagi po niyang sinasabi na wala siyang trabaho pero naglalabas siya ng tricycle. Paano ako makahihingi ng suporta para sa anak namin? Ano’ng kaso ang p’wede kong isampa laban sa kanya pati na rin sa kabit niya? Wala po akong pambayad sa abogado. Saan po ako p’wedeng lumapit para sa kaso?
Loreta
Dear Loreta,
MALINAW NA sinasabi ng batas na ang mga magulang ay may obligasyong bigyan ng suporta ang kanilang mga anak. Ang suportang ito ay tumutukoy sa mga pangunahing pangangailangan ng kanilang mga anak para mabuhay tulad ng pagkain, tirahan, damit, gamot, edukasyon, transportasyon at iba pang pangunahing pangangailangan. (Articles 194 and 195, Family Code of the Philippines)
Sa inyong sitwasyon, kung sa kabila ng inyong abiso na magbigay ang inyong asawa ng suporta sa inyong anak ito ay hindi pinakinggan o hindi tinugunan, maaari kayong magsampa ng kaso sa korte upang pilitin ang inyong asawa na magbigay ng suporta sa inyong anak.
Patungkol naman sa inyong katanungan kung ano ang maaari ninyong isampang kaso laban sa inyong asawa at sa kanyang kinakasama, sila ay p’wede ninyong kasuhan ng kasong kriminal dahil sa kanilang bawal na relasyon at pagsasama sa isang bubong.
Ayon sa batas, ang isang lalaking may asawa na ibinabahay ang kinakasamang babae sa kanilang bahay kung saan nakatira ang kanyang pamilya o sa ibang bahay ay mahigpit na ipinagbabawal at ang sinumang lalabag dito ay mapaparusahan ng pagkakulong. Ang paglabag na ito ay tinatawag na “Concubinage” sa ilalim ng Artikulo 334 ng Revised Penal Code of the Philippines.
Kung nais ninyong sampahan ng kaso ang inyong asawa at ang kanyang karelasyon, kailangan ninyong maghain ng reklamo sa tanggapan ng taga-usig o prosecutor ng lugar kung saan nangyari ang kanilang pagsasama. Kakailanganin ninyo ng mga ebidensya na magpapatunay na mayroong relasyon ang inyong asawa at ang kanyang kinakasamang babae at sila ay nagsasama na sa isang bahay o tirahan.
Ang pagsasampa ng kasong kriminal at sibil sa inyong asawa ay mangangailangan ng serbisyo ng isang abogado. Kung hindi ninyo kayang magbayad sa isang pribadong abogado at kayo naman ay kwalipikado, ang Public Attorney’s Office (PAO) ay handang magbigay sa inyo ng kinakailangan ninyong legal na tulong.
Nawa’y nagbigay kalinawagan ang opinyong ito sa inyo.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta