ANG SALITANG “errata” (maraming kamalian) ay isang latin word na nagmula sa salitang erratum (isang kamalian) na ang katumbas na salita sa Ingles ay error. Ang galit ni Bayan Muna Representative Neri Colmenares ay may kinalaman sa 100 pages na declared errata sa proposed 2015 budget ng administrasyong Aquino. Maniniwala ka ba na ang mga pagkakamali at pagtatama sa proposed budget ay aabot sa 100 pages? Iisipin mo na siguro na baka halos lahat ng isinumite sa proposed 2015 budget ay may mali at pagtatama.
Kung may katotohanan nga talaga sa 100 pages errata sa proposed 2015 budget ang administrayong Aquino, tila may kaduda-duda sa napakarami at napakalaking kamalian na ito. Maaari na nga nating isipin na baka sinadya ang pagkakamali rito upang may mailusot na adyenda ang Palasyo. Lalo’t ngayong hindi nabibigyan ng pansin ang hearing ng Kongreso para sa 2015 proposed budget dahil ang mata ng publiko ay tutok sa mga alegasyon kay Vice President Jejomar Binay at sa nalalapit na debate nilang dalawa ni Sen. Antonio Trillanes IV.
Ang artikulong ito ay tututok sa mga duda at paratang ng mga kritiko ng Pangulo hinggil sa budget na hinihingi ng administrasyon nito para sa 2015. Ano ba ang mga dapat malaman ng taong bayan sa proposed 2015 budget? Ano ang importansya ng pagiging masinop ng Kongreso sa hinihinging pera ng gobyerno mula sa kaban ng bayan? Ilan ito sa mga tanong na bibigyan natin ng liwanag.
HINDI NAMAN talaga katanggap-tanggap ang may 100 pages na errata sa 2015 proposed budget na isinumite ng administrasyong Aquino sa Kongreso para sa ikalawang pagdinig ng mga mambabatas dito. Hindi rin sapat ang katuwiran na puno ng pagtatama sa mga termino at pangalan lamang kaya umabot sa 100 pages ang mga may correction. Ang hinala tuloy ng kritiko ng mga oposisyon sa Kongreso ay may itinatago at gustong palusutin sa budget na ito.
Ang pondo na kung saan may kapangyarihan ang Pangulo na itustos ito ayon sa kanyang prerogatibo ang mainit na tinututukan ng mga oposisyong mambabatas. Dito kasi maaaring maulit ang alingasngas sa nakaraang kontrobersiya ng DAP ng administrasyong Aquino. Ang tingin ng marami ay mapanganib ito sa isang Pangulo na hindi tapat at kurakot. Maaaring kampante ang loob natin sa katapatan ng ating kasalukuyang Pangulo dahil sa bukod sa wala siyang kinasasangkutang isyung korapsyon ay kilalang hindi magnanakaw ang mga pamilyang Aquino. Dito naman natin dapat hangaan ang kasalukuyang pangulo.
Ang malaking problema ay kung ang papalit sa kanya ay mag-aabuso sa posisyon, maaaring magamit ang malaking bahagi ng national budget kung saan may prerogatibo ang Pangulo sa pamumulitika at iba pang masamang bagay. Ang bahaging ito ng proposed 2015 budget ang inaangalan ng marami sa kritiko ng Pangulo.
DAPAT LANG na maging mapagbantay ang mga mambabatas sa estilong ito na itinatago ang ilang agenda sa budget sa pamamagitan ng pagkakaroon ng 100 pages na errata sa mga dokumentong isinumite. Hindi naman natin minamaliit ang ilan sa ating mga mambabatas, ngunit ang problema kadalasan ay pinalulusot na lamang ang mga declared errata sa dokumento lalo’t kung nasa ikalawang pagbasa na ito at napakaraming pahina ang sisiyasatin. Magkakaroon tayo ng mas malaking problema kung makalulusot ang mga alanganing bahagi ng proposed budget sa ikalawang pagbasa dahil kung aakyat na sa ikatlong pagbasa ang batas ay wala nang magagawa at mahirap nang pigilan ito kung sakaling may mga kaduda-dudang bahagi pa rin ito.
Ang mahirap kasi ay sumasabay sa napakaraming isyu ang pagpapasa ng National Budget sa Kongreso. Ang dapat talaga ay maging bahagi at may kinalaman ang mga mamamayan sa pagdinig na ito dahil pera ng taong bayan ang pinag-uusapan at kung saan o paano ito gagastahin. Naging gawi na kasi ng marami na hindi makialam dito dahil parang walang gaanong kontrobersiya sa pagpaplano ng budget ng bansa. Ang problema ay ang mga kontrobersiya ay lumalabas na sa paggasta ng pera ng bayan.
Kung nalalagay man ang pondo ng bansa sa mga proyektong hindi natin tinitingnan bilang importante ay nakalulungkot na tila wala tayong magawa dahil kulang ang partisipasyon ng mga tao rito at hindi napupulsuhan ng mga mambabatas kung ano ang nais ng mga tao. Ito ay dahil hindi nga maingay na pinag-uusapan ang isyu ng pagpapasa ng budget ng bansa. Ibig sabihin ay mas kailangan pa nating mga mamamayan na maging mapanuri sa usaping National Budget.
ANG PAGSASABATAS sana ng FOI bill o freedom of information ay malaking tulong para mas matutukan ng mga mamamayan ang mga isyu ng paggastos ng pamahalaan at ang mismong pinanunukalang budget nito para sa isang buong taon. Dito ay mas magiging makatotohanan ang demokrasya sa ating bansa.
Sa mga susunod na araw ay maaaring mas lumalim at maging maingay pa ang usapin hinggil dito. Iminumungkahi ko na pag-usapan ang proposed budget ng administrasyong Aquino sa ating mga opisina, paaralan o sa bahay. Sa inyong pagkakape kasama ang mga kaibigan o maging sa inuman ay maaaring talakayin ninyo ang usaping ito. Mahalaga na malaman natin kung papaano nais ng gobyerno na gastahin ang mga pera nating nagmula sa ating pagod sa pagbabayad ng buwis. Pera natin ito, kaya dapat tayong makialam!
Ang inyong lingkod ay napakikinggan sa Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Napanonood din ang inyong lingkod sa Aksyon sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 12:00-12:30 noon. At sa T3 Enforced, 12:30-1:00 pm, Lunes hanggang Biyernes pa rin sa TV5.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo