Dear Atty. Acosta,
ANO PO BA ang p’wede naming gawin para maibigay ang dapat na tamang pasahod? Kasi po dito po sa amin, 12 hours ang pasok namin at walang day-off.
– Mariano
Dear Mariano,
SA MGA PRIBADONG tanggapan ay may pamantayang itinatakda ang batas patungkol sa tamang pasahod sa mga manggagawa, sa tamang oras ng paggawa, sa pagbibigay ng “Service Incentive Leave”, “Overtime Pay”, “Night Shift Differential”, “Rest Day” at iba pa. Ang mga bagay na ito ay mahigpit na ipinag-uutos ng batas sang-ayon sa “Labor Code of the Philippines” at iba pang mga kaugnay na batas.
Ang kapangyarihan para masigurong nasusunod ang mga nasabing batas sa paggawa ay nakaluklok sa tanggapan ng Department of Labor and Employment (DOLE). Ang tanggapang ito ay may kapangyarihang ipatupad ang batas at magpataw ng kaparusahan sa sinumang lalabag dito. Mayroong tinatawag na “Visitorial Power” at “Enforcement Power” ang DOLE, kung saan ito ang kanilang paraan para maipatupad at maparusahan ang sinumang lalabag sa nasabing mga batas.
Ang “Visitorial Power” ng DOLE ay nagbibigay-kapangyarihan sa mga tauhan nito partikular na sa kalihim nito at sino mang binigyan ng kapangyarihan ng huli, upang pumasok sa lugar kung saan mayroong paggawa, maging araw man o gabi, at magsagawa ng imbestigasyon tulad ng pagsusuri at pagkopya sa mga rekord o talaan ng “employer”, at pagtatanong sa mga empleyado o manggagawa tungkol sa kundisyon ng kanilang trabaho, na naglalayong malaman kung sumusunod sa batas ang may-ari ng nasabing pagawaan o establisimyento. Ang “Enforcement Power” naman ng DOLE ay ang kapangyarihan nitong ipatupad ang batas sa paggawa sa sandaling mayroong nakitang paglabag habang nagsasagawa ng pagsusuri ang mga tauhan nito. (Article 128, Labor Code of the Philippines)
Nariyan din ang tanggapan ng National Labor Relations Commission (NLRC) sa ilalim ng DOLE, kung saan ang tanggapang ito ang siyang may kapangyarihang duminig sa mga kaso patungkol sa batas sa paggawa.
Kaugnay nito, kung ang inyong “employer” ay hindi tumatalima sa ipinag-uutos ng batas sa pagbibigay ng tamang pasahod at iba pang benepisyo, maaari ninyo itong ipagbigay-alam sa tanggapan ng DOLE para sa pagsasagawa ng imbestigasyon tungkol dito. Kung mapatunayan na mayroong paglabag sa batas ang inyong emplo-yer, maglalabas ng “Writ of Execution” ang DOLE para ipatupad ang batas sa paggawa. Maaari rin kayong magsampa ng reklamo sa NLRC upang maprotektahan ang inyong karapatan at mabawi ang kakulangan sa mga benepisyong dapat ninyong tinatanggap ayon sa batas.
Atorni First
By Atorni Acosta