Naglaglag man ang tatlong pelikula na dapat sana ay magpapasaya sa mga bata ngayong Kapaskuhan para sa 2016 MMFF, mabilis naman ang aksyon na isinagawa ng mga producer ng mga pelikula nina Vice Ganda at Coco Martin na “The Super Parental Guardians” ng Star Cinema; Richard Yap, Janella Salvador, at Jean Garcia na “Manoy Po 7: Chinoy” ng Regal Films; Bossing Vic Sotto at ang kanyang yearly na “Enteng Kabisote 10 and the Abangers” ng M-Zet Films na nakikipagtagisan pa nga sa box-office kung alin ang number 1 sa movie nila ni Vice Ganda.
Sa announcement na isinagawa last Friday, marami ang tutol sa ginawa ng 2016 MMFF na baguhin ang nakagawian na film festival tuwing Kapaskuhan na para sa mga bata.
Tuwing December 25, pagkatapos mamasko ng mga bagets sa kani-kanilang mga ninong at ninang, asahan mong diretso na sila sa malls para pumila at manood ng sine. Pero this year, sa sinasabi ng iba na “change” sa MMFF, nabale-wala ang mga bata.
I wonder kung pag-aaksayahan ng datung ng mga bagets at ng nanay ang mga pelikula na nakapasok.
Magkaka-interes ka pa ba kay Nora Aunor sa kanyang pelikulang “Kabisera” gayong alam naman natin na always kulelat sa box-office, bukod sa katotohanan na ang mga pelikula ng aktres ay hanggang pang-filmfest na lang, dahil aminin man o hindi ng mga faney niya, hindi kumikita ang mga pelikula niya.
‘Yong “Oro” na tungkol sa kuwento ng mga minera na originally ay para kay Nora (nakapag-shoot na siya ng 1 day), naligwak dahil sa political beliefs ng actress na kontra naman sa paniniwala ng kanyang producer.
Keri kaya ng MMFF 2016 na maabot ang target box-office result na P1 billion sa taong ito, gayong wala ang mga pelikulang papalo nang husto sa takilya?
Hindi man makasasama ang pelikula nina Vice at Coco, mauuna na ang Pamasko nila sa mga bata. Yes, sa November 30 na mapapanood ang pelikula ng dalawa, kasama ang dalawang bagets sa “FPJ’s Ang Probinsiyano” aksyon-serye ng aktor na sina Onyok at Awra.
Ang Regal Films naman, sa December 14 na ang showing, before the filmfest, ng pelikulang “Mano Po 7” na ginawa as part of Mother Lily’s Regal Films tradition na ang pelikula nilang ito ay palaging napanonood tuwing Pasko.
‘Yong pelikula ni Bossing Vic na “Ententeng Kabisote and the Abangers”, waiting pa kami sa playdate. As per Tita Aster Amoyo, isa sa mga publicist ng pelikula, “Baka December 7. Malalaman ko pa lang this afternoon,” private message niya sa amin sa FB.
Reyted K
By RK VillaCorta