Dear Atty. Acosta,
MAY ANAK po akong labing limang taong gulang lamang. Itinanan siya ng lalaking may edad apatnapung taong gulang. Maaari po bang ireklamo ang lalaking iyon dahil inabuso niya ang pagkabata ng aking anak kaya siya pumayag na sumama? Maaari po bang ako ang mismong magsampa ng kaso?
Nadya
Dear Nadya,
OPO, MAY kasong maaaring isampa laban sa lalaking nagtanan sa inyong anak. Ang kasong ito ay tinatawag na seduction. Ang seduction ay ang pag-akit sa isang babae upang pumayag na makipagtalik sa pamamagitan ng pangakong kasal o anumang panghihikayat nang hindi gumagamit ng dahas. Ayon sa Artikulo 338 ng Revised Penal Code “the seduction of a woman who is single or a widow of good reputation, over twelve but under eighteen years of age, committed by means of deceit, shall be punished by arresto mayor”. Samakatuwid, ang parusang pagkakakulong na hindi bababa sa isang buwan at isang araw at hindi tataas sa anim na buwan (arresto mayor) ang ipapataw kung ang babaeng biktima ng seduction ay walang asawa o biyudang may magandang reputasyon at may edad labing dalawa hanggang edad na hindi aabot sa labing walo.
Samantala ang parusang prision correccional in its minimum and medium periods naman ang ipapataw kung ang biktima ay isang babaeng wala pang karanasan sa pakikipagtalik o isang birhen na may edad labing dalawa hanggang edad na hindi aabot sa labing walo at ang may sala ay isang person in authority, pari, kasambay o katulong sa bahay, guardian, guro o taong pinagkatiwalaan sa pangangalaga o edukasyon ng nasabing biktima (Artikulo 337, Revised Penal Code). Ang krimeng ito, ayon sa Artikulo 337 ng Revised Penal Code, ay tinatawag na qualified seduction.
Ang reklamo para sa krimeng seduction o qualified seduction ay isinasampa sa tanggapan ng piskal ng lugar kung saan nangyari ang krimen. Ito ay maaaring isampa ng magulang o guardian ng biktima sapagkat wala pa sa tamang edad ang nasabing biktima. Maaari rin itong isampa mismo ng biktima kung nanaisin niya (Section 5, Rule 110, Rules of Court).
Sana ay nasagot namin ang iyong katanungan. Ang legal na opinyon namin ay maaaring mabago kung madadagdagan o mababawasan ang mga nakasaad sa iyong salaysay.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta