KUNG MAHILIG kayo magbukas ng mga video sa YouTube ay marahil ilang ulit n’yo nang nakita ang mga palabas na “China vs. Philippines,” “China’s strategy in invading the Philippines,” “China invasion of the Philippines,” at ilan lamang ito sa mga nakagigimbal na pagtatanghal kung paano sasakupin ng bansang China ang Pilipinas sa loob lamang ng 15 araw!
Marahil din ay pare-pareho lang ang inisyal na reaksyon ng marami na pawang mga kathang-isip lamang ang lahat ng ito. Ngunit kung susurin natin ang mga nangyayari ngayon sa usaping pagtatalo sa mga teritoryo sa Spratlys at kung papaano tumutugon ang ating pamahalaan sa problemang ito ay hindi malayong magkatotoo ang mga banta sa mga nasabing video presentations.
Ang mahalagang tanong dito ay kung paano ba tinutugunan ng ating pamahalaan ang problemang ito? Kapansin-pansin din na sa loob ng panunungkulan ni PNoy mas tumundi at lumala ang problema natin sa Ayungin Shoal at mas naging masalimuot ang pakikipag-ugnayan natin sa bansang China.
SINASABI NG mga eksperto na malayo ang military capabilities and advancement ng bansang China kung ikukumpara sa Amerika. Nahuhuli sila ng 5 taon sa military technology. Kayang-kaya umano ng sandatahang lakas ng mga Amerikano na sugpuin ang puwersang militar ng mga sundalong Chinese.
Ngunit gaano ba tayo nakatitiyak na tutulungan tayo ng mga Amerikano kung magkataong giyerahin tayo ng bansang China? Hindi ba’t ng nadamay tayo sa World War II na kinasangkutan ng US ay minsan na tayong iniwan sa ere ni General Mc Arthur? At sinabi ng mga historyador na “circumstancial” at “luck” lamang ang pagkapanalo nila at nagtulak para balikan tayo ng mga Amerikano?
Gumamit ang mga Amerikano ng dahas at hindi makataong paraan ng pakikidigma kung saan ay hindi nila isinaalang-alang ang buhay ng mga sibilyan na Hapones na walang kalaban-laban sa “atomic bomb” at “H-bomb” na hinulog nila sa “Nagasaki” at “Hiroshima”. Maraming mga inosenteng buhay ang kinitil at halos 25 taong pinagdusahan ng mga tao sa bansang Japan ang epekto nito. Dahil dito tuluyang napasuko na ang Japan sa digmaan.
Ang tanong ay muli ba tayong iiwanan sa ere ng US kung sakupin tayo ng bansang China? Bagama’t sinabi na ng Ambassador ng US ang kanilang suporta sa atin, ito’y nananatili pa ring isang uri lamang ng diplomasya na binabalot ng pangako at mabulaklak na salita ng pakikipagkaibigan.
Sa isang banda ay malaking bagay ang ekonomiyang dala ng China sa US at sa buong mundo. Mayroon ding diplomatikong pagkakaunawaan at kasunduan sa pagitan ng gobyerno ng US at bansang China na hindi natin nauunawaan. Batay rin sa ilang pag-aaral ay malaki rin ang utang pinansyal ng US sa China.
Ang Kongreso ng US ang siyang magpapasya kung tayo ay dapat tulungan ng kanilang sandatahang lakas kung magkakataong maglulunsad ng giyera ang China laban sa atin. Natitiyak kong bibigyang bigat din ng US Congress ang kanilang diplomatikong pakikipag-ugnayan sa China batay sa mga salik na nabanggit.
Nangangahulugan lamang na walang katiyakan ang tulong militar at suportang inaasahan natin sa US military. Ang nakakalungkot dito ay kung 5 taong huli ang China sa Military force ng US, 50 taon naman ang pagkakahuli ng Pilipinas ayon sa parehong pag-aaral. Hindi malayong matatapos nga ng bansang China ang digmaan laban sa atin sa loob lamang ng 15 araw.
NITONG MGA nakaraang Linggo ay muling nagbanta ang bansang China sa atin na haharapin natin ang “consequence” o resulta ng pagiging agresibo natin sa isyu ng pag-angkin sa ilang isla sa Spratlys, partikular ang Ayungin Shoal.
Hindi naging maganda sa paningin ng bansang China ang pagmamatigas natin sa pagpapanatili ng ating mga sundalo sa Ayungin Shoal at pagkumpuni ng isang lumang World War II landing ship upang maging luklukan ng ating mga sundalo roon.
Ayon sa isang senior security official ng Navy ay nagsasagawa sila ng pagkukumpuni ng BRP Sierra Madre para manatili itong may pakinabang sa ating military force sa Ayungin Shoal. Wala naman daw planong magtayo ng istrakturang pang-militar doon.
Ngunit kung anuman ang aktibidad na isinasagawa ng ating military sa Ayungin Shoal ay nakatutulong ba ito sa isinusulong nating diplomatic resolution sa problemang territorial dispute laban sa bansang China?
Alam natin na ang patuloy na pag-angkin ng bansang China sa Ayungin Shoal ay may kinalaman sa daanang naglalapit dito patungong mainland Palawan hanggang Kalayaan island municipality sa Pag-Asa Island na bahagi ng Spratly. Mula rito ay may ilang milya lamang ang layo patungo sa oil-rich Recto Bank na kilala rin sa tawag na Reed Bank.
Marahil ay ito ang dahilan kaya pinapaalis ng bansang China ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal at kung hindi ay sinasabing maaari tayong maharap sa isang marahas na sitwasyon.
SAAN BA tayo dadalhin ng ating pamahalan sa usaping ito? Ang nakababahala rito ay ang pagiging incompetent ng ating pamahalaan sa halos lahat ng suliraning kinakaharap ng ating bansa. Matatapos na ang termino ni PNoy ngunit marami pa ring mga suliranin ang walang sagot. Mahirap pa rin ang mga tao at laganap pa rin ang korapsyon.
Ang pinakanakababahala ay ang pagkakalagay natin sa sitwasyong alanganin dahil sa panggigipit ng bansang China. Kung naging maayos sana ang mga hakbang na ginawa ng ating pamahalaan sa problemang ito ay hindi tayo hahantong sa sitwasyong may pagbabanta na ng karahasan at opensibang militar ang isang napakalaki at makapangyarihang bansang China.
Dapat ay tingnan din natin ang sitwasyon sa pananaw ng bansang China. Maaaring may yabang ang dating ng ating gobyerno kung papaano natin naipaparating sa kanila ang ating posisyon sa usapin.
Hindi kasi maitatanggi na may pagkahambog ang pananalita ng ating Pangulo sa kabila ng pagmamalaki nitong walang korapsyon sa kanyang pamahalaan. Ilang ulit na nating nasaksihan ang pagiging “closed minded” ng Pangulo at minsan din niyang sinabi na hindi siya naaapektuhan ng mga kritisismo mo na para bang nagmamalaki na siya’y laging tama.
Ang pamahalaan ang nagdadala sa kinabukasan ng isang lipunan. Ito ang responsible sa kung ano man ang maaaring kaharapin ng ating bansa. Hindi natin nais na mawala sa atin ang teritoryong sadyang atin gaya ng Ayungin Shoal at lalong hindi natin nais na pumasok sa isang laban na alam nating wala tayong kalaban-laban.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO.
Shooting Range
Raffy Tulfo