150,000 patay; 4 na dekadang digmaan!

ANG PAGSUSUMITE ng Palasyo ng Bangsamoro Basic Law sa Kongreso ay tanda raw ng pagtatapos ng madugong kasaysayan ng Mindanao sa digmaang tumagal nang 40 taon sa pagitan ng mga sundalo ng gobyerno at mga rebeldeng Muslim. Tinatayang may 150,000 katao ang namatay sa digmaang ito at daang libong pamilya ang nawasak at kasalukuyang naghihirap sa Mindanao.

Ito na nga ba ang sagot sa problemang minana pa ni Pangulong Noynoy Aquino sa rehimeng Marcos kung saan unang naitatag ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) ng propesor sa University of the Philippines na si Nur Misuari? Marami ang umaasa na ito na nga ang magwawakas ng madugong bakbakan sa Mindanao at nitong nakaraang araw lang ay ginunita ang isang taong anibersaryo ng pangho-hostage na ginawa ng mga rebeldeng Muslim mula sa pangkat ni Misuari, sa mga kapatid nating sibilyang Muslim kung saan sila ay ginamit bilang human shield at marami sa kanila ang namatay.

Sa artikulong ito ay pag-uusapan natin ang ugat at kasaysayan ng digmaan at rebelyon sa Mindanao. Ano na nga ba ang nangyari sa mga naunang kasunduan sa pagitan ng gobyerno at MILF noong nakalipas na 4 na dekada? Paano naiiba ang Bangsamoro Basic Law sa mga naunang kasunduang ito? Ano ang nag gagarantiya na rito na magwawakas ang kaguluhan sa Mindanao?

KUNG PAG-AARALAN natin nang mas malalim ang kasaysayan, makikita nating nag-uugat ang rebelyong Muslim noong panahon pa ng pananakop ng mga Kastila. Hindi napapayag, halimbawa, si Rajah Lapu-Lapu sa kagustuhan ni Ferdinand Magellan na sila ay sumailalim sa pagbibinyag upang maging mga Kristiyano, gaya ng ginawa kina Rajah Kolambu kung saan nagkaroon pa ng maramihang binyagang Katolika sa Masau-Butuan, Mindanao. Napatay ng mga mandirigma ni Lapu-Lapu si Magellan at mga sundalong Kastila nang ipagtanggol nila ang kanilang tribo sa tangkang pagsugod ng mga ito.

Sa loob ng mahigit 300 taon ng pananakop ng mga Kastila sa Pilipinas, hindi natinag ang pakikipagdigma ng mga Muslim sa Mindanao hanggang sa pagdating ng mga Amerikano. Ito ay ayon sa historyador na si Teodoro Agoncillo. Kung may “100 Years of War” ang bansang Pransya at Britanya, ay may “300 Years of War” naman ang mga Muslim at Kastila.

Hindi na rin tinangkang pasukuin ng mga Amerikano ang mga Muslim na mandirigma dahil sa alam ng mga Amerikano ang determinasyon ng mga Muslim sa pagkakaroon ng kasarinlan sa kanilang lupang tinubuan. Katunayan ay hindi na ninais pa ng Commonwealth government na isama ang Mindanao sa pagbabalangkas ng Commonwealth Law dahil sa hindi pagkakasundo ng mga prinsipyong pinaniniwalaan ng gobyernong Amerikano sa pilosopiya ng mga Muslim. Gayunpaman ay naisama pa rin sila dahil sa pagpipilit ng mga politikong Pilipino noon, gaya ni Manuel Quezon, na sila ay bahagi ng ating bansa.

SIMULA NOON, pilit na nakikisama ang ating mga kapatid na Muslim sa agos ng pagpapatakbo ng bansa ng ating gobyerno mula sa unang pamahalaang Republika ng Pilipinas na pinamunuan ni Manuel Roxas hanggang kay Pangulong Diosdado Macapagal. Sa kasamaang palad ay sumiklab ang digmaan sa pagitan ng mga rebeldeng Muslim at ng mga sundalong gobyerno sa panahon ng diktadurya ni Pangulong Marcos kung saan itinatag ni Nur Misuari ang MILF.

Sa pagtatapos ng rehimeng Marcos at pagkaupo nila Pangulong Cory Aquino, Fidel Ramos, Joseph Estrada at Gloria Macapagal-Arroyo ay muling bumalik sa usapang pangkapayapaan ang gobyerno at mga rebeldeng Muslim. Ngunit sa paggulong ng mga taon ay nagkawatak-watak ang mga rebeldeng Muslim at sari-saring grupong politikal sa Mindanao ang nabuo at kasabay nito ay iba’t ibang adhikain at pananaw ang nabuo hinggil sa kasarinlang matagal ng inaasam ng mga kapatid nating Muslim.

Sa ganitong kalagayan ay lalong naging malabo ang kapayapaan lalo na nang sumiklab ang “all-out-war” na idiniklara ni Pangulong Estrada sa Mindanao noong panahon ng kanyang administrasyon. Ngayon sa panahon ni PNoy ay muling umaasa ang bawat isang Pilipino, lalo na ang mga kapatid nating Muslim na magkakaroon na sila ng kasarinlan na matagal na nilang pangarap at matatapos na ang karahasan sa Mindanao.

 

ANG BANGSAMORO Basic Law ay nagbibigay-kalayaan sa mga kapatid nating Muslim na pamunuan ang kanilang bayan. Sila rin ay binibigyang-laya na maitaas ang kanilang sariling watawat at awitin ang kanilang sariling makabayang tula at awit.

Mahigit kumulang sa 75 porsyento rin ng yaman mula sa nasasakupan ng Bangsamoro State ang malayang mapagpapasyahan ng mga lider ng Bangsamoro, kasama ang mga kapatid na mga Muslim na nasasakupan nito. Ito ang magsisimula ng kasarinlang marahil ay matagal na nilang hinahanap.

Ang tanong na naiiba ba ito sa mga nakaraang kasunduan ay nasasagot sa mga probisyon ng Bangsamoro Basic Law. Ito na sana ang tuluyang magpapalaya sa atin bilang isang bansa sa matagal na digmaang ating pinagsasaluhan. Sa ngayon ay suporta ng bawat Pilipino, Muslim man o Kristiano ang hinihingi ng pagkakataon.

Ang inyong lingkod ay napakikinggan sa Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.

Napapanood din ang inyong lingkod sa newscast na Aksyon sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 12:00-12:30 noon. At sa T3 Enforced, 12:30 – 1:00 pm, Lunes hanggang Biyernes pa rin sa TV5.

Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.

Shooting Range
Raffy Tulfo

Previous articleInabandona ni Mister
Next articleEdu Manzano vs. Ronnie Rickets, patayan na ang pinag-uusapan

No posts to display