HULING teleserye na ni Angelica Panganiban ang ‘Walang Hanggang Paalam’ na mapapanood simula sa Lunes, September 28 tuwing 9:20 P. M sa Kapamilya Online. Ito mismo ang kinumpirma ng aktres sa isinagawang virtual press conference para sa programa na pinagbibidahan niya kasama sina Paolo Avelino, Zanjoe Marudo at Arci Munoz.
“Dito ako nakapag-decide kung ano talaga iyong mahalaga sa buhay. But siguro, hanggang dito na lang po muna ang mga trabahong gagawin ko pagdating sa soap opera.”saad ni Angelica na ikinagulat ng mga manonood.
Hindi lilipat sa TV5 o GMA-7 si Angelica. Wala siyang ibinigay na konkretong dahilan, pero sa ngayon ay mas pipiliin na muna niyang magpahinga lalo na’t lagare ang pagshu-shoot ng mga TV programs ngayon under the new normal.
Sa isang panayam ay sinabi ni Angelica na lilipat lamang siya ng network kung wala na itong makain. Matatandaan na simula noong child star pa lamang siya ay sa ABS-CBN na ito nagtrabaho. Dito na siya nagdalaga, nainlove, nag-reinvent ng image, naging box-office movie star, naging teleserye lead and kontrabida at kung anu-ano pa. Siguradong napakasakit para aktres ang sinapit ng kanyang home network kamakailan.
Nag-aalala ka ba dahil baka hindi mo na madalas masilayan si Angelica? No need to fret naman dahil may mga pending movie projects ang isa sa pinakamagaling na artista sa bansa. Nar’yan ang highly anticipated Bold Star movie nila ni Direk Antoinette Jadaone at kamakailan lang ay inilunsad na rin ang #AskAngelica sa social media ng Star Cinema. Sa kanyang pilot episode ay featured ang kanyang celebrity besties na sina Kim Chiu at Bela Padilla.
Ang ‘Walang Hanggang Paalam’ ang nagsisilbing reunion project nila ni Paolo Avelino, na nakasama niya sa Star Cinema drama film na ‘The Unmarried Wife’ kasama si Dingdong Dantes. Balik-tambalan din sila ni Zanjoe Marudo na kapares naman niya sa huling regular teleserye niya na ‘Playhouse’. Ito naman ang unang pagkakataon nila ni Arci Munoz na magkatunggali sa isang proyekto (onscreen lang po!).
Ilan sa mga teleseryeng pinagbidahan ni Angelica Panganiban na tumatak sa mga manonood ay ang Mangarap Ka, Apoy sa Dagat at Rubi kung saan kinaaliwan at kinainisan ang kanyang pagiging bida-kontrabida.