Dear Atty. Acosta,
AKO AY labing-anim na taong gulang. Inalok ako ng kaibigan ng pinsan ko na magtrabaho bilang modelo. Hindi po panatag ang loob ko sa gusto niyang mangyari kung kaya’t nais kong idulog ito sa inyo. Tiwala ako na maliliwanagan ako sa inyong maibibigay na payo.
Miner
Dear Miner,
MARAMING SALAMAT sa pagpapahalagang ibinibigay ninyo sa aming mga payo. Ha-ngarin naming makatulong sa pag-aayos ng inyong mga suliranin.
Sa sitwasyon na inilapit mo sa amin, mahalaga na magmula sa iyo ang desisyon na lubusang handa ang iyong loob na suungin ang propesyon ng pagmo-modelo. Mahalaga rin na sang-ayunan ng iyong mga magulang, o tagapangalaga kung wala ka nang mga magulang, ang iyong desisyon na magtrabaho bilang isang modelo. Hindi madali ang magtrabaho lalo na at ikaw ay bata pa lamang. Subalit kung mapagdesisyunan mo at ng iyong mga magulang o tagapangalaga na ituloy ang pagpasok mo sa nasabing propesyon, mainam na alamin muna ninyo kung lehitimo ang kumpanya na iyong pagtatrabahuan o irerepresenta at kung totoong mayroong awtoridad ang kaibigan ng iyong pinsan na magpasok o magmungkahi ng mga kukuhaning modelo.
Hindi naman ipinagbabawal na magtrabaho ang katulad mong wala pa sa hustong gulang, subalit kailangan na limitado lamang ang oras at araw na gugugulin mo sa iyong trabaho, at kailangan din na hindi ka malalagay sa anumang kapahamakan. Ayon sa Artikulo 139 ng Labor Code of the Philippines, “x x x (b) Any person between fifteen (15) and eighteen (18) years of age may be employed for such number of hours and such periods of the day as determined by the Secretary of Labor in appropriate regulations. (c) The foregoing provisions shall in no case allow the employment of a person below eighteen (18) years of age in an undertaking which is hazardous or deleterious in nature x x x” Maliban dito ay kailangan din kumuha ang kumpanyang iyong papasukan ng kaukulang permit mula sa Department of Labor and Employment.
Lagi ninyo ring tatandaan na hindi ka dapat abusuhin sa iyong pagtatrabaho. Mahigpit na ipinagbabawal ng ating batas ang child trafficking, child prostitution at iba pang paraan ng eksploytasyon ng kabataan. Ang sinumang mapatunayang lumabag ay maaaring parusahan sa ilalim ng Republic Act No. 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act. Kung sakali man na makaranas ka ng hindi kanais-nais na pangyayari, huwag kang mag-atubiling magsumbong sa iyong mga magulang o tagapangalaga, sa ating mga kapulisan, o sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming i-binigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Halinang manood ng “PUBLIC ATORNI: ASUNTO O AREGLO” tuwing LUNES, 9:20 pm sa AksyonTV.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta