TINATAYANG 30,000 na mga bagets, feeling bagets, magkakabarkada, magkakapatid, at magkakapamilya ang dumagsa sa SM Mall Of Asia Concert Grounds para sa katatapos lang na two-day concert ng sikat na sikat na One Direction. Ito ay naganap noong March 21 at 22.
Kahit alas-otso pa ng gabi ang simula ng concert, umaga pa lang, makikita mo na ang haba ng pila para makakuha ng magandang puwesto para sa mga hindi reserve seating ang nabiling ticket. At pagkabukas na pagkabukas pa lang ng mall, sa laki ng buong MOA, bawat sulok nito ay ma-LSS ka na sa paulit-ulit na pagpapatugtog ng mga kanta ng One Direction. Puwede mo ngang matawag na One Direction Appreciation Day ang araw ng concert nila na may pinamagatang On The Road Again Tour Manila.
Trending na trending ang hashtag na #OTRATMNL buong weekend dahil sa mga posts ng One Direction fever sa social media sites. Sa mga hindi nadaan ng SM MOA nang Sabado at Linggo, sayang at hindi n’yo nakita ang pagiging malikhain ng mga bagets sa kanilang mga One Direction inspired-outfits, mga One Direction papansin sign boards at One Direction inspired Philippine flags.
Para bang kung ikaw ay nanood ng concert, at wala kang dalang One Direction paraphernalia, aba, masasabi mo sa sarili mo ang mga linya na “hindi ako informed”, “may FB group ba sila at hindi ako kasali?”
Sa kasagsagan naman ng concert, kanya-kanyang pagpapapansin ang mga fans sa kanilang mga iniidolo. Nariyan ang palakasan ng pagsigaw, at pag-cheer sa kanila. Marami rin ang mga sumisigaw sa pangalan ni Zayn Malik, miyembro ng One Direction na bigong makapunta sa Pilipinas para mag-perform sa kanilang libu-libong fans. May kumakalat na isyu na ito ay sa sobrang stress dahil sa cheating issues niya sa kanyang fiancée.
Gayunpaman, hindi nagpatinag ang mga Pinoy fans at panay ang cheer sa kanya kahit wala siya rito. Kahit kulang din ng isang miyembro ang One Direction, hindi naman pinaramdam nina Harry, Louis, Niall, at Liam na may kulang dahil bigay-todo silang mag-perform sa kanilang mga minamahal na Pinoy fans. Kanila ngang sinabi na “Filipinos are incredible” dahil dito lang sa Pilipinas sila nagkaroon ng two-day concert sa lakas ng demand ng mga Pinoy Directioners sa kanilang mga iniidolo.
Kahit na tapos na ang concert ng grupo sa bansa, tila ba nagkaroon ng post-concert syndrome ang mga Pinoy dahil magpahanggang ngayon, trending pa rin ang hashtag #OTRAMNL at kanya-kanyang post pa rin ang mga bagets ng mga pictures at videos ng One Direction mula sa nasabing concert.
Masasabi na nga natin na may bagong Backstreet Boys na ang henerasyon ngayon at iyon ay ang One Direction. Hindi naman natin masisisi ang pagka-die hard fans ng mga Pinoy, mapa-babae o mapa-lalaki dahil kasabay nilang lumaki ang mga miyembro ng One Direction. Batang 90’s, ‘ika nga.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo