Dear Atty. Acosta,
DALAWANG BESES PO akong ikinasal. Ang una po ay hindi rehistrado sa National Statistics Office (NSO) at ang ikalawa naman ay authenticated. Alin sa dalawang kasal na ito ang legal?– Anthony
Dear Anthony,
ANG PAGPAPAREHISTRO NG kasal sa NSO ay isang proseso na ginagawa upang magkaroon ng pampublikong tala ang bawat kasal na nagaganap sa ating bansa. Kung ang kasal ay naitala sa NSO, ito ay maaaring magsilbing katibayan na mayroong kasal na naganap sa pagitan ng isang babae at lalaki na nagkasundong magpakasal sa lugar at petsang nakasaad dito.
Magkagayon pa man, ang kawalan ng rehistro sa NSO ay hindi nakakaapekto sa bisa ng kasal. Ayon sa Article 2 ng Family Code of the Philippines, upang magkaroon ng bisa ang isang kasal, dapat ay mayroon ang mga sumusunod na elemento: “x x x (1) Legal capacity of the contracting parties who must be a male and a female, and (2) Consent freely given in the presence of the solemnizing officer.” Maliban sa mga nabanggit, ayon sa Article 3 ng Family Code kailangan din ay mayroong: “(1) Authority of the solemnizing officer; (2) A valid marriage license x x x; (3) Marriage ceremony which takes place with the appearance of the contracting parties before the solemnizing officer and their personal declaration that they take each other as husband and wife in the presence of not less than two witnesses of legal age.”
Kung ang lahat ng nabanggit ay naroon nang kayo ay ikinasal, masasabing ito ay legal at may bisa. Dapat ding tandaan na ang rehistro sa NSO ay isa lamang sa maaaring magpatunay na naganap ang kasal, ngunit hindi lamang ito ang natatata-nging maaaring gamiting patunay sa nasabing kasal. Ang testimonya ng mga nakasaksi sa kasal ay maaaring magpatunay na naganap ito, o kaya ay ang mga litratong nakuha sa kasal, at iba pang ebidensiya.
Ang higit na dapat bigyan ng pansin ay kung ang dalawang kasal na iyong nabanggit ay sa pagitan mo at ng iisang tao lamang, o sa pagitan mo at ng dalawang magkaibang tao. Kung ang iyong dalawang kasal ay sa iisang tao lamang, masasabi na ang iyong ikalawang kasal ay pag-uulit lamang ng inyong sumpaan bilang mag-asawa. Walang pagbabawal ang ating batas ukol dito. At kahit na ito ay hindi nakatala sa NSO, hangga’t ang lahat ng nabanggit na elemento ay naroon, ito ay masasabing legal. Ngunit kung ang iyong una at ikalawang kasal ay sa magkaibang tao, at hindi pa napapawalang-bisa sa korte ang iyong unang kasal nang maganap ang iyong ikalawang kasal, ito ay labag sa ating batas. Kahit pa ang iyong unang kasal ay hindi nakatala sa NSO o hindi authenticated, hindi ka maaaring magpakasal ng ikalawang beses. Mahalaga na magkaroon muna ng deklarasyon ang korte na nagsasabing walang-bisa ang iyong unang kasal.
Atorni First
By Atorni Acosta