UMANI NG samu’t saring reaksiyon sa social media ang mahabang Facebook post ni Mr. Paul Valencia Santiago, ama ni 2013 Miss International Bea Rose Santiago, noong January 8, 2014. Sa nasabing post ng ama ni Bea Rose, lumalabas na nagtahi ng katakut-takot na kasinungalingan ang beauty titlist patungkol sa kanyang personal na relasyon sa ama nang interbyuhin ito sa Buzz ng Bayan noong January 5, 2014.
Pinararatangan ngayon si Bea Rose na ingrata, sinungaling, retokada, at kung anu-ano pa ng mga netizen. Marami rin ang nagsasabi na dahil sa pagiging ‘sinungaling’ ng beauty queen, hindi umano ito karapat-dapat sa korona at dapat lang na i-dethrone o tanggalan ng korona ng organizer ng Miss International pageant.
Matapos ngang ipagbunyi ng sambayanang Pilipino ang pagkakasungkit ni Bea Rose ng ika-5 Miss International crown sa Tokyo, Japan noong nakaraang Disyembre, halos ikahiya na ng mga dating umiidolong netizen ang dalaga.
Sa interbyu kay Bea Rose sa Buzz ng Bayan, sinabi nito na napatawad na raw niya ang kanyang ama na umiwan sa kanya at sa kanyang ina noong 10 taong gulang pa lang siya.
Tatlong araw matapos lumabas ang nasabing interbyu, isang napakahabang Facebook post ang ginawa ng kanyang ama, na detalyadong pinasinungalingan ang bawa’t salitang binitiwan ni Bea Rose sa nasabing showbiz talk show.
Una nang binanggit ni G. Santiago na hindi umano siya ang nang-iwan sa kanyang mag-iina, kundi ang ina umano ni Bea Rose na noo’y nagtatrabaho sa Canada ang nagkaroon ng ‘paramour’ o bagong asawa. Ayaw pa umano niyang paniwalaan ang kumakalat na balita, hanggang sa makumpirma niya mismo.
Hindi rin umano niya inabandona ang kanyang mga anak, at siya pa mismo ang gumastos nang airfare ng mga ito nang kunin sila ng kanilang ina manirahan sa Canada, kasama ang kinakasama ng kanilang ina.
Todo rin daw ang suportang ibinigay ni G. Santiago sa anak na si Bea Rose sa tuwing may sasalihan itong beauty contest, tulad ng sa Mutya ng Pilipinas, at, kinalaunan nga, sa Binibining Pilipinas kung saan nakuha ni Bea Rose ang pagkakataon na katawanin ang bansa sa Miss International.
Nagkaroon lang umano ng matinding hindi pagkakaunawaan ang mag-ama, ayon sa post ni G. Santiago, nang humingi umano si Bea Rose sa ama ng “300 hundred thousand pesos in the early part of 2013 purposely to spend for her facial enhancements”, at hindi nito napagbigyan ang kahilingan ng anak. Napakalaking halaga umano ng hinihingi ni Bea Rose at noong panahong iyon ay malaki rin ang kanyang gastos dahil tumatakbo siya bilang konsehal sa Masbate.
Sa bandang huli, nais ni G. Santiago na magbigay ng “public apology” si Bea Rose dahil umano sa mga kasinungalingang sinabi. Nais daw nitong malinis ang kanyang pangalan na dinungisan ng anak.
by Danilo Flores