HINDI AKO makapaniwala, ang taong 2015 ay natapos na at atin nang sinalubong ang taong 2016, agad-agad. Paano n’yo nga ba sinalubong ang bagong taon? Panigurado, nariyan ang paghahanda ng isang dosenang bilog na prutas, mga putok-batok na ulam, pagsuot ng mga polka dots na damit, pakikipagsabayan sa pagpapaingay ng mga kapit-bahay, at pagpapaputok ng mga lusis habang nanonood ng magagarbagong fireworks display sa kalangitan, at siyempre ang pag-countdown to 2016 kasama ang pamilya habang tumatalon sa pag-asang tumangkad pa. Kay saya nga naman ng bagong taon. Pero huwag din naman nating limutin ang mga nangyari noong taong 2015, dahil isa ang 2015 sa taon na talaga nga namang masasabi mo na ang Pilipinas ay pinagpala.
- Hinding-hindi mapapantayan ng kahit anong materyal na bagay ang pagbisita sa bansa ng mahal na Santo Papa. Nakapasuwerte talaga ng Pilipinas dahil sa dinami-rami ng bansa sa buong mundo, Pilipinas lagi ang napipili upang mapuntahan ng Santo Papa. Kahit hindi na ito ang unang pagkakataon, kakaiba pa rin talaga sa pakiramdam. Naging matagumpay ang pagdalaw niya rito dahil sa loob ng ilang araw niyang pamamalagi sa bansa, naging malumanay at ligtas ang lahat, lalo na si Pope Francis. Sino ba naman makalilimot sa pag-ikot ni Pope sa Maynila nang hindi bullet proof ang sasakyan, ang pope mobile nga niya, bukas na bukas, walang salamin. Wala rin siyang takot na nakikisalamuha sa madla upang mahalikan sa noo ang mga maysakit at mga bata. At siyempre, wala ring tatalo sa kanyang pagdaos ng mapayapang misa sa Tacloban para sa mga nasalanta ng bagyo. Kahit malakas ang pagbuhos ng ulan, tuloy pa rin ang Santo Papa.
- Isama mo na sa listahan ng big main events ng taong 2015 ang pagdaos ng APEC Summit sa bansa noong nakaraang Nobyembre. Kahit nagdulot ito ng maraming imbyerna sa mamamayan, kahit maraming Pilipino ang nagtiis lalo na sa matinding traffic na dinanas, kapalit naman nito ay times 100 pa. Nagbukas ito ng maraming oportunidad sa bansa. Nakita ng mga world leader at business leader ang potensyal sa bansa at sa mga Pilipino. Nakilala ang bansa sa buong mundo sa mabuting paraan. Kakaunting sakripisyo ang ating naibigay, pero nasuklian naman ng magagandang pagkakataon para sa lahat ng Pilipino.
- Talaga nga namang pasabog na year-ender ang nangyari sa bansa nang magwagi bilang Miss Universe ang ating pambato na si Pia Wurtzbach, naku po. Hindi lang ang mga kaibigang beki ang tuwang-tuwa sa pagkapanalo niya dahil pati ang lahat ng Pinoy sa buong mundo ay napahanga sa ganda, husay, at magandang ugali na ipinakita ni Wurtzbach na talaga nga namang sumasalamin sa ugali ng mga Pinoy. Na kahit sa kabila ng pagkakamali ng pag-anunsyo ng panalo sa Miss Universe, nakuha pa rin ni Pia na magpakumbaba. Pinatunayan rin niya na totoo ang kasabihan na “Try and try until you succeed”. Ang mga mithiin sa buhay ay makukuha kung ito ay paghihirapan.
Siksik sa mga pangyayari ang ating 2015 at alam kong lahat ay sabik na harapin ang 2016.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo