HINDI KO alam kung ako lang o parang may kakaibang dating talaga ang taong 2016. Pakiramdam ko marami itong bitbit na sorpresa sa lahat. Pakiramdam ko ispesyal ang taon na ito, maraming mangyayari, jampacked kumbaga. Isa na sa nagpa-espesyal diyan ang pagkakaroon ng taong 2016 ng 366 days dahil leap year ang taong ito. May kaunting pag-ulan din na naganap noong kasagsagan ng New Year’s Eve o media noche. Isa itong magandang sensyales na ang ating 2016 ay pinagpala.
Kahit hindi man ako makapaniwala sa bilis ng panahon, pero talagang 2016 na talaga lalo na kung…
“New Year New Me”
Aba, aminin mo, dumarating ka rin sa stage na sa tuwing sasapit ang bagong taon, hindi lang ang bagong taon ang iyong sinasalubong, kundi pati ang bagong ikaw o kaya ang sarili mong version 2.0! Napaniniwala tayo na 2016 na nga dahil sa kabilaang pag-post sa social media ng “New Year New Me”. Nariyan ang mga bagets na bagong gupit o bagong kulay ng buhok sa pagsapit ng New Year. “New Me” nga naman. Nariyan din ang mga kabilaang pagpapangako na sisimulan na nila ang mag-diyeta bilang tapos na ang mga okasyon na may limpak na limpak na handaan! Balita ko, nakailang pagpapaliban kayo ng diyeta at isumpa n’yo sa lahat na pagsapit ng 2016, diet for real na.
“Day 1 of 366”
Tama, day 1 of 366 nga dahil may 366 days tayo kasi nga leap year ngayon. May February 29, mga bagets. 2016 nga lalo na’t kabilaan din ang pagpo-post ng mga bagets sa social media ng “Day 1 of 366”, ngayon nga Day 6 of 366 na. Ano’ng ibig sabihin nito? Ang mga kabataan ngayon ay dinodokumento ang mga pangyayari sa kanilang buhay. Kaya naman para hindi masayang ang pag-document ng kanilang araw, ginagawa nila itong makabuluhan. Ibig sabihin, kada araw ay kanila nang sinusigurado na productive o kaya’y may magandang mangyayari sa kanila o may mabuti silang gagawin sa iba. Gamit na gamit din ang kanilang mga planner sa ngayon. Sana lang mapanindigan nila ito para hindi naman masayang ang pagbili sa planner, lalo na ‘yung mga halos tumira na sa Starbucks para makumpleto ang Starbucks stickers para sa kanilang planner.
“Sisimulan ko na ang….”
Bukod sa pagkakaroon ng healthy lifestyle, maraming gustong simulan ang bagets. Nariyan ang gustong sumubok mag-hiking. Nariyan ang mga sisimulan daw ang pagpapanatili na malinis ang kanilang kuwarto. Nariyan din ang mga bagets na gustong simulan ang pag-aaral na magmaneho. Mayroon ding sisimulan nana mag-impok ng pera. Lalo na’t ngayong taong 2016, marami ang may gustong sulitin ang taon upang libutin ang Pilipinas at ang mundo.
Bagong taon na nga. Taong 2016 na. Ang pinakamaganda sa bagong taon ay ang pagbibigay sa atin ng bagong pag-asa. Bagong pagkakataon at mga bagong oportunidad. Gawin ang 2016 bilang taon natin.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo