UMANI NG SUPORTA mula sa 8,000 miyembro at opisyales ng Tricycle Operators and Drivers Association sa Quezon City si mayoralty bet Mike Defensor.
Nagpahayag ng lubos na pagsuporta sa mga isinusulong na proyekto at programa ni Defenosr para sa mga mamamayan ng lungsod ang liderato ng 19 na pamunuan ng TODA sa District 3 sa ginanap na pagpupulong kamakailan ng grupo sa Luk Foo Restaurant sa Commonwealth.
Ang naturang pederasyon ng TODA ay kinabibilangan ng 8,000 operator at drayber ng tricycle.
Ayon kay District 3 TODA Federation President Jesus Adorna, buo ang tiwala ng grupo kay Defensor at naniniwala sila na may kakayahan at ‘political will’ na magsusulong ng interes at kapakanan ng kanilang mga miyembro ang magiging pamunuan nito.
“Napatunayan na namin ang kakayahan ni Mike Defensor noong konsehal pa lang siya. Nasubukan na namin ang kanyang malasakit nu’ng nasa Kongreso na rin siya,” pahayag ni Adorna.
Napag-alaman kay Adorna na ang sektor ng TODA ay pinagmalasakitan na ni Defsnor at humanga siya rito dahil hanggang sa kasalukuyan ay isinusulon nito ang pag-aangat sa pamumuhay ng tulad niyang tricycle driver.
“Saksi kami sa ginawang pagtulong ni Mike at gayundin ng kanyang ama na si Cong. Mat Defensor sa mga maliliit na tao tulad namin, lalung-lalo na sa panahon ng kagipitan,” dagdag pa ni Adorna.
Ipinaliwanag ni Adorna na bago pa man tumakbo si Defensor bilang meyor ay marami na sa kanilang mga miyembro ang naipagamot at naipa-ospital ng mag-ama kaya’t naniniwala sila na mas marami pang magagawa si Defensor para sa kapakanan ng mamamayan kung mabibigyan ito ng pagkakataon.
“Kakatok ka lang sa bahay nila at sinisiguro ko sa iyo na hindi ka magdadalawang salita at may tulong kang makukuha. Ganyan si Mike at ang kanyang ama. Kaya dahil diyan, tutulungan namin si Mike sa laban niya ngayon. Ibibigay namin ang aming suporta sa kanya ngayong siya naman ang nangangailangan ng aming buong suporta,” ani Adorna.
Kabilang sa mga dumalo sa pagpupulong ay ang San Roque TODA, Socorro TODA, Bagumbayan TODA, BERTODA, SERTODA, Villa Beatrice TODA, Loyola Heights TODA, Loyola Pansol TODA, Balara TODA, La Vista TODA, IBC TODA, Kamias TODA, QUITODA, GP4 TODA, Hitop TODA, KARTODA, Peria Community TODA, Marilag JP Rizal TODA at OBCH TODA.
Samantala, nagpahayag naman ng pasasalamat si Defensor sa pamunuan ng District 3 TODA.
Tiniyak ni Defensor na makikinabang ang mga TODA sa mga makabuluhang programa na kanyang ipatutupad tulad ng prangkisa at pagrebisa sa multang pera sa mga nahuhuli ng mga traffic enforcers.
“Mayaman na po ang ating lungsod. Hindi po dapat nagmumula sa bulsa ng mga maliliit ngunit tapat na naghahanap-buhay na mga tricycle drivers ang pondo para pagyamanin ang kaban ng lokal na pamahalaan. Sa halip, dapat po ay maibalik sa ating mga drivers ang yaman ng ating lungsod sa pamamagitan ng mga makabuluhang programa,” pahayag ni Defensor.
Kasabay nito, nanindigan si Defensor na mayaman at mahirap ay dapat makinabang sa tunay na pag-unlad ng QC, dahil dito isusulong niya ang pagkakaroon ng Health Card, mga iskolar kada taon, benepisyo para sa mga may kapansanan at senior citizens, tax breaks para sa mga maliliit at malalaking negosyante at marami pang iba.
Pinoy Parazzi News Service