MATAPOS ANG pamamayagpag ng mga Pinoy sa katatapos lang na unang season ng Asia’s Got Talent, kung saan apat sa siyam na contestants ay mula sa bansa natin at Pinoy rin ang tinanghal na kauna-unahang Grand winner, ang El Gama Penumbra, ito naman ang sumunod! Ang paghakot at patuloy na paghahakot ng mga medalya ng ating mga pambato sa 2015 Southeast Asian Games na kasalakuyang ginaganap sa bansang Singapore. Nasa ikapitong puwesto na rin ang Pilipinas sa rankings.
Sa puntong isinusulat ko ang artikulo na ito, ang Pilipinas ay nakakuha na ng anim na gold medals sa 2015 Southeast Asian Games. Ang pinakahuling gold medal na nakuha ay nasungkit ni Judoka’s Kiyomi Watanabe. Napanalunan niya ito noong Linggo lang, Hunyo 7.
Tinalo ni Kiyomi Watanabe ang pambato ng bansang Thailand na si Orapin Senatham nagkamit ng ippon sa 3:36 mark. Ito rin ang nagpanalo sa kanya sa unang pwesto sa women’s 57-63kg contest. Ito ay ginaganap sa loob ng Expo Hall.
Nakuha rin ng Pilipinas ang back-to-back silver medals sa larong Fencing na nilabanan ng men’s foil at women’s team epee. Kaya ang silver medals na ng bansang Pilipinas ay nasa walo na. Ang bumubuo ng women’s fencing team ay sina Hanniel Abella, Anna Gabriella Estimada, Harlene Raguin ay Keren Pangilinan. Natalo nila ang mga kinatawan ng Singapore pero bigong talunin ang Thailand sa iskor na 45-28 sa gold medal finals level.
Ang Philippine men’s team naman ay binubuo nina Wilfred Curioso, Brennan Louise, Nathaniel Perez at Emerzon Segui. Tinalo nila ang Thailand sa semis pero hindi sila nagwagi laban sa Singapore sa Finals level.
At mukhang namuro nang husto ang Pilipinas sa paghakot ng medals noong Linggo dahil nakapagsungkit din sila ng tatlo pang bronze medals para sa Pilipinas. Napanalunan ito nina Jasmine Alkhaldi ng women’s 50 meter butterfly, Roxanne Yu ng women’s 200m backstroke, at Joshua Hall ng men’s 100m breaststroke.
Kaya ang medal tally na ng Pilipinas ayon sa Singapore Southeast Asian Games ay: para sa gold medal winners, ito ay sina Carlo Biado at Warren Kiamco para sa men’s 9-pool doubles, ang Philippine Volcanoes, Wushu’s Daniel Parantac at Filipino athletes Nikko Bryan Huelgas at Ma. Claire Adorna para sa triatlon men’s at women’s individual.
Kaya all-in-all, ang Philippine Team ay kasalukuyan nasa ika-pitong puwesto sa Team Standings na may 28 medals sa 2015 Southeast Asian Games.
Hindi pa natatapos ang SEA Games at patuloy pa rin ito nagaganap sa ngayon. Kaya ipanalangin natin ang mga pambato natin na nakatakda pang lumaban. Nawa’y magwagi sila at hindi rin sila magtamo ng anumang injury. Go lang nang go Team Philippines! Nakaka-proud maging Pinoy!
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo