INSTITUSYON NA ANG pangalang Tito, Vic and Joey sa larangan ng pagpapatawa. Tatlong dekada na ang longest running noontime show nilang Eat… Bulaga! na nag-30th anniversary last July 31, 2009. Ang nasabing noontime show ang pinakamasaya, pinakamataas ang rating at pinapanood ng masang Pilipino sa buong Pilipinas maging sa abroad.
Kuwento ni Joey de leon, sa kusina ni Tito Sotto nabuo ang title na Eat… Bulga! “’Yang title, marami kaming tinanong. Malikot kasi ang utak ko, ako ang nakaisip. Alam mo, nilalagyan ko ng meaning nu’ng natapos. Katabi ko nu’ng naisip ko ‘yun, isang taong nagngangalang Jesus Espiritu, so, guided kami agad.
“Alam kong mahihirapan sa titulo dahil Taglish kasi. Kaya ko naisip ‘yun, nanggaling kami ng isang taon sa Iskul Bukol na English-Tagalog din. So, ang utak ko nakatono sa ganu’n. At saka, bakyang-bakya ‘yung idea ko. Sabi ko, ‘eto kakagat ang ABCDE dahil may English may Tagalog, kalokohan ko lang.
“Eat… naghanap ako ng linya na magtatagal. Kaya kami naging iskalera sa school dahil alam naming hanggang may mahjong may iskalera. ‘Yun ang utak ko… hanggang may bata, may Eat… Bulaga! Dahil nilalaro natin ang mga anak natin ng ‘It… bulaga,’ nilaro ko lang ang Eat… Bulaga! Surprise sa food, whatever. Gusto nga naming ilipat sa gabi ito para masubukan lahat ang kainan, hahaha! So, ‘yun ang istorya. Sa una, mahirap kagatin pero katagalan, kumabit na siya.”
Nag-start ang Eat… Bulaga! sa Channel 9, na tumagal ng sampung taon sa ere. “Dapat ni-nine lang namin para 9… channel 9… 9 years. Lumagpas, senyales na ‘yun. Tapos, napunta kami sa Channel 2… five years,” say ni Joey.
Ipinaliwanag ni Ms. Malou Choa-Fagar kung bakit sila biglang lumipat sa Kapamilya network that time. “Maraming factors du’n. Na-sequester ang channel 9, nag-iba ang board, hindi namin malaman kung sino. Noong maging shaky ‘yung leadership ng (channel) 9, lumipat kami ng channel 2.”
Dugtong naman ni Joey, “During that time, kababalik lang uli ng Channel 2 sa private office, year 1989. Hindi naman namin kini-claim na parang binigyan namin ng buhay ‘yung pagpasok namin sa kanila. Naging bahagi lang kami ng tulong kahit papaano para sumipa. Hinihintay pa rin namin ‘yung medalya galing sa ABS, pero okey na sa amin ‘yung pagkilala nila sa amin.”
Five years tumagal ang Eat… Bulaga! sa ABS-CBN dahil five years ang kontratang pinirmahan nila sa nasabing network.
Formula nina Tito, Vic and Joey? “All for one, one for all,” mabilis na sambit ni Tito.
“Isang bagay lang ito na hindi nahahalata ng tao. Ang TV nakikita, du’n mo makikita wala kaming put-on, kung ano kami, natural. Kung ano kami nagkakilala, ‘yun kami. Wala kaming plastikan kasi, hindi kami nagmi-make-up, literally. Hindi kami nagmi-make-up sa TV, puwera na lang kung kailangang mag-babae. Siguro may kaunting lipstick. Pero make-up talaga? Tinatanggal lang namin ‘yung langis sa mukha. Kung ano ‘yung makita mo ‘yun na ‘yun. Tsismoso kami, kung ano kami normal. Kasi, ang TV, well-informed. Kailangang tsismoso ka, alam mo kung ano ang latest, kung sino ang naghiwalay, sino ang nabuntis. Lahat ‘yun kailangang pag-aralan mo para maging magaling kang host. Kasi, host nga, host nagsasalita at saka kumukuha ka nang impormasyon. Wala kaming sapawan, alam namin kung kailan magpi-period. So, ganu’n lang, natural kami, siguro mayroon kaming galing. Ang tawag ko nga du’n, magaling kaming tumagal,” paliwanag ni Joey.
“Other factor ‘yung ugali namin. Aside from that, kaming tatlo madaling magbasahan. Kasi, wala kaming itinatago, walang plastic, kung ano ‘yung sinasabi namin ‘yun na ‘yun,” dugtong naman ni Tito.
Ayon kay Joey, ang noontime show, kailangang grupo kayo, masaya ang bawat isa para lalong ma-entertain ang publiko. “Ang tingin ko kasi, especially sa noontime show, ang isang noontime show dapat ang atmosphere ay fiesta, tanghalian. Hindi ba ang fiesta, hindi naman sa gabi masarap kumain kung hindi sa tanghalian? Ang fiesta sa barangay, sa probinsiya, ang lechon ilalabas sa tanghalian, d’yan mainit ang kanin. Kailangang maraming bisita, maraming masaya, masaya na rin ang mga bisitang nanonood, ‘di ba?
“Alam mo, sa tradisyon ng noontime show, simulan mo sa Student Canteen, sa Magandang Tanghali na original. May konek pa rin sa amin dahil ‘yung nasirang Francis (Magalona), tatay niya ‘yung kauna-unahang host ng noontime show kung tutuusin, si Pancho Magalona. Laging grupo, barkada masaya… gang. Napansin mo rito sa Eat… Bulaga! marami ritong nagpapatawa, hindi ko sinasabing komedyante. Ang isang show na walang komedyante o walang nagpapatawa, isa lang ang host o dalawa, ibig sabihin nu’n ayaw pasapaw, ‘di ba?”
Kailangan ding sunod sa takbo ng panahon para mag-click ang isang show. “Susunod ka sa panahon. Ano ‘yung nakaka-entertain sa tao. ‘Yun naman ang kalakaran kahit sa America. Ngayon, uso na naman ang talent show, lahat nagre-reformat para maging talent show. Uso ang malulungkot na buhay, pero lumilipas din ‘yun, pero bumabalik,” kuwento sa amin ni Joey.
“Another factor is originality, mas madali sa aming pumasok ang idea kung original ‘yung idea,” wika naman ni Tito.
“Sumobra pa nga ‘yung pagka-masa namin nu’ng araw. Kami lang ang may record na ganu’n. Sabi namin dahil masa kami, hanggang ngayon masa, kahit sa pulitiko masa ang gamit. Sumobra kami dahil pumasok kaming naka-kamiseta para madikit sa masa. Naka-kamiseta kami, na-memo ako, pinagtanggol ko pa, mahal po ‘yan (signature brand). Sabi ng boss namin, wala akong pakialam. Nagso-shorts kami, rubbershoes na kung minsan magkaiba pa ang kulay, tsinelas, hindi nagpapagupit, hindi nag-aahit, sumobra nga kami,” sambit naman ni Joey.
Forever na kaya ang Eat… Bulaga! nina Tito, Vic and Joey sa Kapuso network? “Yun ang hindi namin masabi, only time and only God will tell. ‘Pag mahal kami ng istasyon, tuloy lang. Kung ayaw na, okey lang kami. Kami nga nakikita ko, baka sa kanto-kanto na lang kami mag-show ‘pag nagtagal… kanto ng England at France!” Pahayag ni Joey.
Ngayong nasa 30th years na ang Eat… Bulaga! may sopresa ang tatlo sa manonood. “Ang target namin, 30 scholars, humahanap kami ng 30 heroes, pinamimigay namin ‘yung pera. Thirty valedictorian, sagot namin hanggang college nila. Ngayon lang namin ginawa, dahil 30 years. ‘Yung thirty heroes, hinahanap ngayon na may ginawa sa bayan. Hindi na namin iniisip ‘yung kumita, iniisip namin kung papaano ipamahagi para makatulong sa mahihirap. ‘Eto pa, mag-uumpisa rin kami rito sa 30 years ng classroom. Gumagawa ang Eat… Bulaga! ng classroom sa lahat ng lugar na puwedeng pagtayuan ng classroom sa eskuwelahan. Eskuwelahan ang ibibigay namin sa Department of Education,” pahayag ni Tito na excited sa bago nilang project para sa mahihirap.
by Eddie Littlefield