AKALA PALA NI Erik Santos eh, malulusutan nito ang mga tanong ng press sa kanya sa recent launching ng kanyang album, tungkol nga sa pagkawala niya sa kalinga ng King of Talk na si Kuya Boy Abunda. Ang feeling pa nga ni Erik that time eh, inilalaglag daw siya ng mga nag-uusisa sa kanya.
Para malinawan ang lahat, nagbigay na ng kanyang pahayag si Kuya Boy tungkol sa nasabing isyu.
Unang pasabog! According to Kuya Boy, hindi si Erik ang umalis sa Backroom. Ang Backroom ang nagpaalis sa kanya.
“One of the reasons kung bakit namin siya ni-release ay dahil sa aming palagay na he’s capable of taking good care of himself already at kaya na niyang mag-produce ng sarili niyang concert. Na kaya na niyang pangalagaan ang kanyang sarili kaya okay na sa amin. Pero more than that, may sama ako ng loob sa kanya.”
Ikalawang pasabog! Diumano bina-bad mouth daw siya ni Erik.
“Marami na akong naririnig. And I was hoping that Erik would come and address it to me. Ano ang mga sinasabi ni Erik Santos? Sinasabi niya, ‘Ano ba naman itong buhay na ‘to! Parang ako na lang mag-isa ang nagpa-plano sa karera ko. Wala nang tumutulong sa akin, pinababayaan na ako.’ But those were not the exact quotes. ‘Yan ang complaint niya and he will deny. That’s recorded.”
Marami pa raw itong versions.
“Sinasabi niya na ‘Gusto kong makipag-meeting kay Kuya Boy, pero wala siyang oras.’ Kasinungalingan ‘yan. Marami siyang sinasabi na parang teka muna, ano ba ang nangyayari? Bakit mo ba sinisiraan ang Backroom? Sasabihin niya na hindi ako nakikipag-meeting sa kanya? He’s never called me. Na hindi ako nagre-return call. May ugali ako na kahit sino ang tumawag sa akin, I return calls. Walang pagkakataon na humingi sa akin ng meeting si Erik. Na hindi ko na-meet lalo na ‘pag may kinailangan siya na may kinalaman sa kanyang career. Hindi ko kailanman ipinagkait ang aking oras sa mga artista ko kahit gaano ako ka-busy.”
Ikatlong pasabog! May kinalaman naman ito tungkol sa nakaraang concert ng singer noong August sa Music Museum.
“Sinasabi niya, ‘Itong concert na ito, ako ang nag-isip, walang tumutulong.’ Mali ‘yun. ‘Yung Power Ikons na title ng concert, sa akin ‘yun. He produced it. Natural may kakayanan na siya. May kapasidad na siya. At karera naman niya ‘yun.
“Pangalawa, si Boy So, nagbigay sa kanya ng P200,000. May isa ka-ming kaibigan na nagbigay sa kanya ng sponsorship na P50,000 because of me. Ang hirap magsalita tungkol sa pera, pero ano’ng sasabihin mo na wala kaming ginagawa? I gave him a press conference for that concert.
“Ang dali mo namang makalimot, ‘di ba? Parang ang lakas ng loob mo na sabihin na wala kaming ginagawang tulong. I mean, from the title to the sponsorship. Ang dali-dali mo naming makalimot, ‘di ba?
“Kaya ako galit! ‘Yan ang paliwanag kung bakit ako galit. Na parang bakit? Bakit mo ako binibilangan? Sa pitong taon, nakalimutan mo lahat? At may katanungan ako. Ano ba ang nagawa mo sa buhay ko? Yumaman ba ako? Nagkakarera ba ako? Naging pamoso ba ako dahil sa minanage ko si Erik Santos?
“Tanungin nga natin? Ano ba ang nagawa ko sa ‘yo? Don’t I deserve a little respect? ‘Yun ang sagot ko sa kanya doon. ‘Di ba? Parang ang dali mo namang makalimot. Ang ikinagagalit ko sa kanya ngayon, patuloy pa rin niyang sinasabi ‘Wala naman akong ginawa. Wala naman kong sinasabi. Ano ba? Tahimik na lang tayo.’ Ano’ng walang sinasabi? Ano ba? Alam ko lahat ng sinasabi mo.”
Ayon kay Kuya Boy nagkaroon naman ng pagkakataon na nakausap niya na si Erik bago pa man maglitawan ang mga isyu.
“Ang sinabi ko lang sa kanya nu’ng time na mag-usap kami, ‘may mga naririnig akong sinasabi mo’. Pero hindi ko na idinetalye at hu-mingi siya ng tawad. ‘Patawarin mo ako tito Boy sa aking mga nagawa.’ Patuloy siya sa pagba-bad mouth sa Backroom.”
Dagdag pa ng King of Talk, mismong mga kaibigan ng singer ang nagsabi na sa kanya na ayaw niya na lang pangalanan pa. At naka-record pa nga raw ang iba rito kaya hindi ito pwedeng i-deny ni Erik.
The Pillar
by Pilar Mateo