SA MURANG EDAD na 6, pinatunayan ni Keonn Landon Davies Gener na may pag-asa ang bansa para makasungkit ng gintong medalya sa Olympics.
Mahigit isang taon pa lang nagsasanay sa Taekwondo, si Keonn na ang pinakabatang miyembro ng Philippine Team na sumabak sa Chicago International Taekwondo Winter Games na ginanap noong Nobyembre 6, 2011 sa Norridge, Illinois, at sumungkit ng 1 Gold, 2 Silver at 1 Bronze na mga medalya.
Ang Philippine Team ay binubuo ng 9 na Taekwondo jins na may edad 6-16. Kabilang sa mga nakasagupa ng ating mga manlalaro ang mga kalaban mula sa Korea at sa iba’t ibang estado sa Amerika.
Apat na event ang sinalihan ng Philippine Team tulad ng Individual Black-Belt and Non Black-Belt Division (Sparring), Team Sparring, Individual Poomsae (Forms) and Demonstration Kyokpa (Breakings), kung saan sa pamamagitan ng pagpupursige at dedikasyon, ang mga kabataang Pinoy ay nakapag-uwi ng 25 Gold Medals, 8 Silver at 3 Bronze na mga medalya.
Kabilang sa mga miyembro ng team sina Averie Belsonda, Aaron Yango, Gabriel Lamarca at Johana Razon mula sa Diliman Preparatory School; Dominie Yu mula sa St. Jude; Marigold Taculog mula sa UP Diliman; Justin De Jesus mula sa La Salle Greenhills; Paul Marco Dela Cruz mula sa College of St. Anthony; at si Keonn mula sa Multiple Intelligence International School.
Nitong nakaraang Nobyembre 20, sa National Taekwondo Championship na ginanap sa Ninoy Aquino Stadium, nakapag-uwi si Keonn ng Gold. Nagkaroon siya ng isang laban, kung saan binigyan niya ng 7 head kicks ang katunggali at tinapos ang laban sa isang round, kung saan 1 point lang ang nakuha ng kanyang kalaban. Pangarap ni Keonn na maipakita ang kanyang galing sa Taekwondo sa Olympics at mabigyan ng karangalan ang bansa.
Masaya naman si Coach Nap Dagdagan Jr. sa ipinakitang galing ng mga jins, at proud ito sa kanyang team. Inaasahan nilang maipakikita pa nila ang kanilang mga galing sa mga susunod pa nilang kumpetisyon, at paniguradong ang mga karanasang ito ng mga kabataang Taekwondo jins, gaya ni Keonn, ay makatutulong para maging mas mahusay pa silang mga atleta ng bansa.
Pinoy Parazzi