MATINDING PINAG-UUSAPAN ngayon ang pagdedemanda ni Ara Mina ng Libel at Grave Coercion sa kanyang kapatid sa inang si Cristine Reyes.
Heto nga’t habang sinusulat ito’y kagagaling lang namin sa Divisoria para magtanong-tanong sa mga mamimili at manininda.
Halos lahat ay nagkakaisa sa pagsasabing hindi dapat binabastos ni Cristine si Ara dahil mas matanda ito sa kanya.
Meron pang nagsabi na kung hindi dahil ke Ara at sa pangalan ni Ara ay hindi naman din siya sisikat. Dito mo masasalamin na pagdating sa pamilya, masyado pa ring umiiral ang kasabihang igalang ng nakababata ang nakakatandang kapatid dahil ‘yun ang tama at nakagisnan natin.
Naaalala pa rin ng mga tao ‘yung suportang ibinigay ni Ara sa kapatid nu’ng baguhan pa lang ito. Pero kung tutuusin, dumedepende rin ang mga tao sa alam lang nila at saka sila magbibigay ng opinyon.
Pero ang totoo, hindi talaga natin alam ang puno’t dulo ng lahat. Hindi natin alam, edited din ang panig ng magkapatid. Kaya Feeling namin, mas malalim ang pinag-ugatan ng galit ni Cristine kaya masasakit na salita ang pinakakawalan nito laban sa kanyang ate.
Kung me kakampihan tayong isa sa kanila, paano kung magkabati ang dalawa? Eh, ‘di tayo ngayon ang me kagalit?
Remember, pagbali-baligtarin man ang mundo, lumala man ang kanilang away, magkapatid pa rin ‘yan.
At para kumampi ka sa isa sa kanila sa halip na pag-ayusin sila, mahahalatang hindi maayos ang sarili mong pamilya.
ABA, HINDI pa man ipinalalabas ang Aryana ay marami na ang naku-curious dito.
Kami pa ang tinatanong sa Twitter kung ano ang pagkakaiba nito sa Mutya kung saan isa kami sa cast.
Ang 4-year old noon na si Mutya Orquia ang bida sa Mutya. Sa Aryana naman ay ang dalagitang si Ella Cruz na gumanap na batang Cristine Reyes sa Dahil sa Pag-ibig.
Kung hindi kami nagkakamali, isa ito sa bagong show sa Primetime Bida. ‘Eto nga ba ang palit sa Wako-Wako?
Let’s wait and see.
ILAN DIN ang nagtu-tweet sa amin at ibi-nibigay nila ang kanilang suggestion na sana raw ay tigilan na ni Ogie Alcasid ang pagbo-Boy Pick Up habang iniinterbyu kung hindi rin lang daw kayang i-sustain.
Napanood na rin namin ang ilang interviews niya at dahil sa pagbo-Boy Pick Up niyang paraan ng pagsasalita ay siguro, ipinararamdam na niya sa audience kung ano ‘yung mapapanood nila sa latest movie niya.
Pero sa kabilang banda ay may punto rin naman ang ilang Twitter followers namin. Na mas magandang normal voice na lang ni Ogie ang ibigay niya kapag ini-interview siya at ‘yung tonong Boy Pick Up ay sa movie na lang sana mapanood.
Actually, napapanood na namin ito sa Bubble Gang, naaaliw kami, promise. Pero ‘pag iniinterbyu na si Ogie at nagtotono siyang Boy Pick Up, parang nakokornihan kami. Opinyon lang naman namin ito.
Pero kung mas maraming naaaliw o natutuwa kesa sa opinyon namin, eh, sige na, sorry na… mali nga yata kami ng opinyon.
Oh My G!
by Ogie Diaz