MAPALINGON KA rito, o mapalingon ka man doon, ang makikita mo ay puro mga kabataan na naka-earphones. Tunay nga na lahat ng bagets ngayon ay mahihilig sa musika. Paano ba naman, kapag naka-earphones ka na at sumasabay sa himig ng kanta, nagsisimula nang mabura ang nasa paligid na para bang solo mo ang mundo o kaya naman bumibida ka sa sarili mong music video. Mapa-senti, rnb, pop, rock, retro, pasok ‘yan sa panlasa ng mga bagets. Kaya naman hindi kataka-taka na magiging isang engrandeng konsiyerto ang ihahandog ng 7107 International Music Festival.
Sa kauna-unahang pagkakataon sa industriya ng musika, magaganap ang 7107 International Music Festival na lalahukan ng napakaraming banda na may iba’t ibang baong musika. Napakasuwerte ng mga Pinoy dahil sa Clark, Pampanga, dito sa Pilipinas, ito mangyayari sa darating na ika-22 at 23 ng Pebrero.
Mabibigyan ng kakaibang oportunidad ang mga bagets na makisaya sa bagong timpla ng musika na ipatitikim ng 7107 IMF. Ito ay konsiyerto na magbibigay silip sa genre ng rock at EDM o electronic dance music. Siguro marami sa inyo ang mapapaisip na ano itong EDM? Huwag nang maging KJ, ‘di ba nga hindi mo magugustuhan ang bagay kung hindi mo ito masusubukan? Kaya huwag pakampante sa rock! Malay mo, mas magustuhan mo ang EDM. Bago na, in ka pa!
Paniguradong sulit ang ibabayad sa ticket mo sa nasabing konsiyerto dahil mabubusog ka sa napakaraming line up ng mga bandang tutugtog para sa iyo. Hindi siyempre mawawala ang sariling atin tulad ng Up Dharma Down, Sponge Cola, Itchyworms, Rocksteddy, Abra and Loonie, Yolanda Moon at Radioactive Sago Project dahil hindi mo maipagkakaila na kaya ng OPM artists na makisabay sa mga international bands na bibisita tulad ng festival’s headliner na bibida sa genre ng rock, ang Red Hot Chili Peppers. Kaskade naman ang bahala sa inyo para electronic dance music. Kasama rin ang alternative rock band na Red Jumpsuit Apparatus, ang Grammy nominated hiphop act na si Kendrick Lamar. Makikitugtog din sina DJ Riddler, Reid Steffan, and Empire of the Sun, Kjwan, Encounters with a Yeti, Runway Crimes, She’s Only Sixteen at maraming marami pang iba.
Ang ikinaganda pa ng 7107 International Music Festival, hindi lang ito basta-basta isang konsiyerto, kundi isa rin itong magandang proyekto. Bakit? Dahil pasasayahin na nga kayo ng mga bandang nabanggit kasabay pa rito ay nakatutulong pa tayo sa mga nasalanta ng nagdaang bagyong Yolanda sa ating bansa. Dahil may porsiyento ng kikitain sa mga nabentang ticket ay ilalaan para sa makatulong sa mga biktima ni Yolanda.
Magandang uri ito ng “UBE” o “ultimate bonding experience” para sa mga barkadahan ng mga bagets! Dahil hindi lang isa kundi dalawang araw ito ng jampack na kasiyahan kasabay ang pag-jamming sa bagong musika.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo