ANG SICILIAN Mafia ay isang organisadong grupo na hindi basta nagagalaw ang kanilang mga negosyo bagama’t ang mga pinag-ugatan nito ay iligal. Bukod kasi sa kanilang malawakang koneksyon, magaling din silang gumamit ng front na siyang nagkukubli ng kanilang mga tiwaling gawain.
Isang halimbawa ay ang paggamit noon ng Sicilian Mafia sa New York ng International Brotherhood of Teamsters (IBT), isang labor union. Pinamunuan nila ang nasabing union tulad ng pagtatalaga ng presidente at iba pang matataas na opisyales dito.
Sa pamamagitan ng IBT, nako-control nila ang mga kontrata para sa iba’t ibang negosyo na kung saan mayroon silang mga miyembro. Kapag may pumalag, ang panlaban nila ay ang pagwelga ng mga manggagawang miyembro.
ISANG MAPAGKAKATIWALAANG source mula sa Bureau of Plant Industry (BPI) ang nakapagsabi sa inyong lingkod na isang gumagamit ng alyas na LIYA ang tinaguriang ngayong godmother ng bawang mafia. Siya raw ang nasa likod ng garlic cartel dito sa Pilipinas.
Si Liya, ayon pa rin sa source, ay miyembro ng isang asosasyon ng mga mangangalakal sa bansa, at sa pamamagitan nito, bilang front, nako-control daw niya ang halos lahat ng import permit na ibinibigay ng gobyerno para sa bawang.
Dagdag pa ng source, umaabot daw sa halos 80% ng nasabing permit quota kada taon ang naibibigay sa iba’t iba niyang dummy companies.
Karamihan sa mga importer na gustong mag-angkat ng nasabing gulay at kumuha ng permit, kinakailangan ay dumaan daw sa kanya. Pinagagamit niya ang kanyang mga permit sa mga mapagkakatiwalaan niyang importer sa halagang P350,000 per container.
Kasama na sa halagang ito ay ang kanyang brokerage fee dahil siya ay isa ring customs broker. Kada linggo, hindi raw bababa sa 15 containers na 40 footer ang naipararating niya. Ito ay mga nakapaloob sa pitong permit – dalawang permit kada 40 footer.
Ang tanong, sino ang mga kasosyo ni Liya sa Department of Agriculture at BPI?
DAHIL MAY bago nang namumuno sa Scanning Division ng Bureau of Customs, ilan sa mga dating consignee na tinaguriang untouchables ay nanlalamig na ngayon ang mga paa sa niyerbiyos, ayon pa sa isang customs insider.
Hindi pa raw umiinit sa kanyang upuan ang kapupuwestong si Mimel Talusan, ang bagong direktor ng Scanning, nakahuli agad ito ng isang container na naglalaman ng mga smuggled na sibuyas. Ito raw ay labis na ikinatuwa ng Malacañang, ayon pa sa isang source sa Palasyo.
Isa sa mga consignee na dapat bantayan ngayon ni Director Talusan ay ang Eddesca Trading at idaan sa red lane ang mga kargamento nito. Noong Nobyembre ng nakaraang taon halimbawa, maraming 40-footer na containers ang ipinarating nito na idineklara bilang “packaging materials” ang mga laman.
Bagama’t ‘di na nga ito sumunod sa bench marking scheme ng Bureau of Customs na P60,000 dapat ang binabayaran sa mga 40 footer – dahil P40,479 lamang ang kanilang binayaran – kaduda-duda pa ang deklarasyon nila.
Kinailangang idaan sa masusing scanning ang totoong laman nito kung talagang mga hamak na masking tape lamang ang kanilang mga ipinararating. May mga container din silang idineklara bilang mga sheeting (?!?) ang mga laman.
Sa muli, hindi na nga sila sumunod sa bench marking scheme pagdating sa kanilang binayarang buwis, yellow lane din ang dinaanan ng mga container na ito. Ibig sabihin, hindi na dumaan sa x-ray kaya puwede nang kargahan ng kahit ano pang klaseng bagay.
Shooting Range
Raffy Tulfo