SA KATATAPOS na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno S. Aquino III, kasama ang PhilHealth sa kanyang binanggit na napagtagumpayang pangako para sa taong bayan. Sinabi niya na 47 milyong Pilipino lamang ang benepisyaryo ng PhilHealth noong umupo siya bilang Pangulo, nguni’t ito ay halos dumoble sa loob ng kanyang termino.
“Walang taong nangarap na magkasakit. Ang mga pamilyang umaasenso ay ‘back-to-zero’ kapag tinamaan ng karamdaman. Nauubos na nga ang ipon, nababaon pa sa utang,” ang sabi ni PNoy.
Balikan natin ang ilan sa mga mahahalagang pangyayari na nagpatibay sa lawak at lalim ng saklaw ng National Health Insurance Program sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Noong 2012, higit na pinalawak ang saklaw ng PhilHealth upang mabigyan ng kaseguruhan sa kalusugan ang pinakamahihirap na pamilyang Pilipino. Halos 4.6 M pamilya ang natukoy sa ilalim ng National Household Targeting System for Poverty Reduction (NHTS-PR). Ang bilang na ito ay lalo pang naragdagan at umabot ng 15.29 M sa unang bahagi ng 2015. Sa ganitong paraan, maaari nang maka-avail ng libreng pagpapagamot ang isang mahirap na pamilya sa mga pampublikong pagamutan.
Sa pagpasa ng RA 10645 o ang Expanded Senior Citizens Act noong Nobyembre 2014, lahat ng mga senior citizens, kahit walang hulog sa PhilHealth, ay napabilang na sa programa. Dahil dito, humigit kumulang 4.8 M nakatatanda ang nadagdag sa bilang ng mga miyembro ng PhilHealth, ayon sa talaan ngayong Hunyo 2015.
Nagawa ring magkamit ng benepisyong PhilHealth ang mga kapwa nating Pilipinong hindi nakasama sa NHTS-PR sa pamamagitan ng Point-of-Care enrollment na unang ipinatupad noong 2013. Sila ay ini-enrol at ang kanilang kontribusyon para sa unang taon ay binayaran ng mga pampublikong ospital na nagpapatupad ng POC. Bago natapos ang taong 2014, umabot na sa 157,022 mahihirap na pasyente ang nai-enrol ng 263 pampublikong ospital.
Ngayon, umabot na sa 89.42 M Pilipino ang sakop ng PhilHealth. Ang bilang na ito ay kumakatawan sa 88 porsiyento ng 101.45 M Pilipino na tinatayang dami ng populasyon ngayong 2015.
Sa larangan naman ng pagpapabuti ng benepisyong handog sa ating mga miyembro, maraming hakbang na isinagawa ang PhilHealth upang paigtingin ang paghahatid-serbisyo nito sa mga miyembro.
Una na rito ang pagpapatupad ng No Balance Billing noong 2011 upang wala nang dapat pang bayaran ang miyembro na kabilang sa Sponsored at Indigent Programs. Sapat na dapat ang bayad ng PhilHealth para sa anumang klaseng pagkakasakit ng miyembro sa programang nabanggit.
Inilunsad naman noong 2014 ang All Case Rates (ACR) para masiguro na ang bawat pagkakasakit ay mayroon nang kaakibat na benepisyo na babayaran sa alinmang accredited hospital. Sa kasalukuyan, umabot ng 4,699 medical at 4,335 surgical conditions ang nakasaad sa talaan ng ACR.
P1.5B naman kada linggo o P78.18B ang kabuuang binayaran ng PhilHealth para sa benepisyo noong 2014 kumpara sa P530M kada linggo o P30.51 B noong 2010.
Napakalawak na rin ng mga pakete ng benepisyong inilunsad ng PhilHealth para sa miyembro nito, katulad ng: Animal Bite Package(2012); PhilHealth Outpatient Anti-Tuberculosis Directly Observed Treatment Short Course treatment (2003 at pinagbuti noong 2014);Maternity Care Package (2003 at pinagbuti noong 2014); Z-Benefit Packages (2012); Z-Morph Benefit Package (2013); PD First Z-Benefit Package (2014); at Z-Benefit para sa piling Orthopedic Implants (2014).
Sa nagdaang mga taon, marami nang Pilipino ang natulungan ng PhilHealth, katulad na lamang ni Gng. Danilo Espiritu na ipinakita sa SONA ni Pangulong Aquino. Siya ay sumailalim sa Coronary Artery Bypass Graft Surgery sa Philippine Heart Center, kung saan wala siyang binayaran sa nasabing operasyon.
Totoong isinasabuhay at binibigyang-buhay ng PhilHealth ang ‘Vision’ nito na “Bawat Pilipino, Miyembro; Bawat Miyembro, Protektado; Kalusugan Natin, Segurado!”
Para sa karagdagang tanong tungkol sa paksang ito, tumawag lamang sa aming Call Center sa (02) 441-7442 o magpadala ng email sa [email protected].
Alagang PhilHealth
Dr. Israel Francis A. Pargas