Dear Chief Acosta,
KASAL PO AKO sa huwes pero siyam (9) na taon na po kaming hiwalay. May kinakasama po ako sa kasalukuyan. Walong (8) taon na rin po kaming nagsasama. Balak po sana naming magpakasal. Maaari po ba kaming magpakasal? – Annalisa
Dear Annalisa,
DAPAT MONG MAINTINDIHAN na ang kasal ay isang sagradong seremonya kung saan ang dalawang partido, ang lalaki at babae, ay nagpapahayag sa harap ng nagkakasal at ng mga saksi na sila ay magsasama sa hirap at ginhawa sa habang-buhay. Ang kasal ay hindi lamang isang pangkaraniwang kontrata kundi isang institusyon na pinagmumulan o pundasyon ng isang pa-milya. Kaya naman madalas nating naririnig ang kasabihan na “ang pagpapakasal ay hindi parang kaning isusubo na kapag napaso ay maaari mong iluwa”.
Gayunpaman, ang Family Code ay nagbibigay ng ilang legal na dahilan upang ang isang kasal ay mapawalang-bisa. Ito ay matatagpuan sa Artikulo 35, 36, 37 at 38 ng nasabing batas.
Ayon sa iyong salaysay, ikaw ay ikinasal sa huwes subalit hiwalay na kayo ng taong pinakasalan mo sa loob ng 9 na taon na at dahil dito nais mong magpakasal nang muli sa iba na siyang kinakasama mo nang 8 taon na. Ikinalulungkot naming ipabatid sa iyo na hindi mo pa maaaring pakasalan ang taong kasalukuyang kinakasama mo. Kinakailangan munang mapawalang-bisa ang nauna mong kasal. Ayon sa Artikulo 40 ng Family Code, ang isang taong nagnanais magpakasal muli sa iba ay kinakailangang kumuha muna ng pahintulot sa hukuman sa pamamagitan ng pagsampa ng petisyon na nagpapawalang-bisa sa kanyang naunang kasal at pagdeklara ng hukuman na walang-bisa ang nasabing kasal. Subalit dapat mong tandaan na ang pagpapawalang-bisa ng iyong naunang kasal ay hindi dahil sa kagustuhan mo lamang. Dapat malinaw ang dahilan mo at ito ay naaayon sa mga legal na dahilan na nakasaad sa Artikulo 35, 36, 37 at 38 ng Family Code.
Kung pagbabasehan natin ang iyong salaysay, ang maaaring maging legal na dahilan mo lamang upang hilingin sa hukuman na mapawalang-bisa ang iyong kasal ay ang nakasaad sa Artikulo 36 o ang “psychological incapacity”. Kailangan mong patunayan sa korte na ang iyong unang pinakasalan ay “psychologically incapacitated” o may “personality disorder” kaya hindi niya magampanan ang kanyang tungkulin bilang isang asawa, at ito ang dahilan kung bakit kayo ay hiwalay na nang 9 na taon. Kung sakaling mapatunayan mo ito sa hukuman at pagbibigyan ang iyong kahilingan na mapawalang-bisa ang iyong unang kasal, maaari mo nang pakasalan ang iyong kinakasama.
Let us watch Atty. Persida Acosta at “PUBLIC ATORNI”, a reality mediation show every Thursday after Aksyon Journalismo at TV5.
Atorni First
By Atorni Acosta