SHOWING PA RIN sa mga sinehan ang 2019 MMFF entry na ‘3Pol Trobol: Huli Ka Balbon!’ na pinagbibidahan ng actor/producer/director na si Coco Martin (o Rodel Nacianceno) with Jennylyn Mercado as his leading lady at si Ai Ai delas Alas naman ang gumanap na kanyang ina.
Ito ang kauna-unahang 2019 MMFF movie na pinanood ko dahil na rin sa request ng aking kasama na avid viewer ng FPJ’s Ang Probinsyano. Kung ikaw ay regular viewer ng nasabing primetime show, mapapansin mo na kalahati ng cast members ay mula sa programa. Buti na lang at hinaluan din naman nila ito ng ibang rekado with the presence of Kapamilya stars Jennylyn Mercado, Ai Ai delas Alas, Super Tekla and Boobsie Wonderland.
Sa totoo lang, ito sa line-up ng MMFF this year ang nagbigay sa akin ng sobrang katatawanan. Ang mga action scenes dito ay napaka-OA, pero nagwork naman. Naalala ko tuloy ang ilan sa mga action movies na pinapanood ko noong 90’s na kahit napapaligiran na ng mga hunghang ang bida ay hindi pa rin ito matalo-talo. Parang si Cardo lang! He-he-he!
Tinodo na rin ni Coco ang pagpapatawa dahil ibinalik niya ang kanyang karakter bilang Paloma. Talo pa niya ang mga drag queens sa sobrang ganda at sexy sa mga eksena niya lalo na sa mga Bollywood-inspired numbers. Kinabog pa niya si Jennylyn, huh! Kahit ang landian nila ni Sam Milby ay tinilian ng mga tao. Why don’t you just kiss already?!
Alam ni Coco ang kanyang purpose sa pagsali sa MMFF ngayong taon at kitang-kita ‘yun sa outcome ng ‘3Pol Trobol: Huli Ka Balbon’. Mas kinarir niya ang comedy parts at alam niya talaga kung ano ang kiliti ng masa. No wonder na third ito sa current standing, pero sa tingin ko ay mas bobongga pa siguro ang earnings nito kung mas napromote pa ng maayos. Bakit kaya parang hindi masyadong naramdaman ang promotion ng lahat ng 2019 Metro Manila Film Festival entries? Napansin niyo rin ba ‘yun?
Anyway, lahat ng tatlong bida sa pelikula ay may upcoming projects agad this 2020. Si Coco Martin ay ipapares kay Angelica Panganiban for the first time sa Star Cinema Valentine’s Day presentation na ‘Love or Money’ habang si Ai Ai delas Alas naman ang bida sa ‘D Ninang na opening salvo ng Regal Films. Si Jennylyn Mercado naman ay sasabak muli sa GMA Telebabad bilang Doctor Maxine sa Philippine adaptation ng ‘Descendants of the Sun’ with Dingdong Dantes.
Hmmm… magiging Coco vs. Jennylyn na ba sa primetime soon? Huli ka!