NAMALTRATO NGA ba si Budget Secretary Florencio “Butch” Abad ng ilang mag-aaral ng University of the Philippines noong bumisita siya rito bilang panauhing tagapagsalita sa U.P. School of Economics? Ito ang mainit na talakayan ngayon sa mga social media.
Marami rin ang tila nadismaya sa inasal ng mga mag-aaral ng U.P., lalo na ang mga faculty ng U.P. School of Economics base sa inilabas nilang statement sa social media. Hindi rin nakapagtataka ang galit na inilabas ng mga aktibistang mag-aaral sa U.P. ngunit mukhang sukdalan daw ito dahil hindi naman kailangang humantong sa pananakit ang isang dapat ay mapayapang pagpapahayag ng politikal na pananaw.
Sa artikulong ito ay tatalakayin natin ang isyung ito kaakibat ang mga dapat pamantayan ng isang balidong pagpapahayag ng politikal na pananaw ng mga mamamayan at partikular ang mga mag-aaral sa unibersidad. Gaano rin ba kalalim ang galit ng mga mag-aaral na ito sa mga ikinilos ni Abad para makaranas siya ng “A…bad treatment”?
MARAMI ANG nagsasabi na ang University of the Philippines ang tahanan ng pagpapahayag ng saloobing politikal at ito mismo ang sinisimbolo ng estatwang hubad sa harapan ng U.P. Administration Office na kung tawagin ay ang “Oblation”. Ito ay nilikha ng National Artist na si Napoleon Abueva, kung saan ay naging modelo nito ang isang bombero (fireman) at ang ama ng yumaong si FPJ na si Fernando Poe, Sr.
Mahirap nga raw ang maging bisita sa U.P. bilang isang tagapagsalita lalo na kung ikaw ay nagmumula sa gobyerno. Ang mga mag-aaral kasi sa U.P. ay kilalang kritiko ng gobyerno at makakaliwa kaya’t hayagan ang kanilang pagbatikos sa mga nanunungkulan sa gobyerno. Katunayan ay maraming mag-aaral sa U.P. ang nawala at napatay sa panahon ng diktadurya ng dating Pangulong Ferdinand Marcos na isang tubong U.P. mismo.
Kultura na nga raw sa U.P. ang aktibismo at hindi raw kumpleto ang pagiging U.P. student ng isang mag-aaral dito kung hindi pa ito nakasama sa isang rally sa Mendiola at nakatikim ng tulakan sa pagitan ng mga pulis at ma-water canon ng bombero. Ang kamalayang politikal daw ay natututunan ng mga mag-aaral sa labas ng paaralan at sa kalsada habang nagpoprotesta at hindi sa loob ng classroom.
ANG NANGYARI kay Abad ay hindi una at bago sa U.P. Diliman. Marami nang mga government officials ang nakaranas ng ganitong pambu-bully ng mga raliyista sa loob ng campus. Maging ang dating Pangulong si Gloria Macapagal-Arroyo ay naranasan ang sigawan at batuhin ng kung anu-ano nang maglakas-loob itong tumuntong sa loob ng bakuran ng U.P. Diliman. Marahil ito ang dahilan kaya hindi na ito naulit at minsan lang siyang bumisita sa U.P. sa loob ng 9 na taong pagiging pangulo ng bansa.
Ngunit tila yata may espesyal na halaga itong si Abad sa puso ng mga guro ng U.P. dahil naglabas ng statement ang mga ito pati na ang buong administrasyon ng U.P. na kumukundena sa ginawang maling trato at pananakit kay Abad at humingi rin ng dispensa ang unibersidad sa kanya.
Hindi ko naman sinasabing tama ang ginawang pambabastos ng mga mag-aaral ng U.P. kay Abad ngunit bakit ngayon lamang humingi ng dispensa ang U.P. at hindi ito ginawa sa ibang mga opisyal ng gobyerno na dumanas ng parehong trato noong nakaraang mga administrasyon? Dahil ba makapangyarihan at maimpluwensya ang kasalukuyang administrasyong Aquino kaya’t hindi dapat nakakanti ang mga bata nito?
MAY DAHILANG magalit at kundenahin ng mga mag-aaral ng U.P. si Abad dahil lubos nilang nauunawaan ang panlolokong ginagawa nito sa taong bayan dahil sa isyu ng DAP. Ngunit hindi naman dapat talaga umabot sa batuhan at sakitan ang pagpapahayag ng pagkadismaya sa isang opisyales ng gobyerno. Kahit kalian ay walang puwang ang violence o pananakit sa isang lugar ng karunungan gaya ng U.P.
Nauunawaan ko naman ang galit ng mga mag-aaral na ito dahil parang pinalalabas kasi ni Abad na madaling utuin ang mga tao at tila walang mga alam at mapaiikot niya sa kanyang mga palusot. Kahit na sinabi na ng Supreme Court na mali ang DAP ay pinipilit pa nilang palusutan ito. Kaya minsan ay nawawala sa control ang isang tao dahil may mga sadyang parang lantaran kung manloko gaya ng paggiit ng administrasyong Aquino at ni Abad sa DAP.
Ang U.P. ay tahanan ng mga mag-aaral na nag iisip at hindi sunud-sunuran lamang. Maging si Marcos na galing mismo ng U.P. ay tahasang binabatikos noon ng mga mag-aaral sa U.P. dahil alam ng mga ito ang panlolokong ginagawa ni Marcos. Marami ang biktima ng human rights violation sa hanay ng mga mag-aaral sa U.P. noong panahon ng martial law.
ANG PAGPROTESTA ay bahagi ng karapatang natutuhan ng mga mag-aaral sa U.P. Ang ipaglaban hindi lang ang kanilang karapatan kundi ang tama ang una sa mga prinsipyong yakap ng mga aktibistang mag-aaral dito. Ang pagiging mapusok ay bahagi lamang ng kanilang pagiging bata. Ngunit ang matalinong pananaw na bumabatikos sa mali at kasinungalingan ay gagap na ng kanilang mga murang isip.
Galit ang nakitang huling armas ng mga mag-aaral dito sa U.P. dahil alam nilang nagbibingi-bingihan ang mga taga-gobyerno sa isyu ng DAP at iba pang hindi makatarungang sistema sa lipunan ngayon.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo