Abandonada

Dear Atty. Acosta,

ITATANONG KO LANG po kung anong gagawin ko sa asawa ko, kasi 4 years old na po ang anak ko at mula nang ipanganak ko siya ay iniwan na kami ng aking asawa at hindi na kami sinuportahan. – Amina

Dear Amina,

ANG TUNGKULIN NA magbigay ng suporta ay ipinag-uutos ng batas. Dahil dito, obligasyon ng iyong asawa na magbigay ng suporta hindi lamang sa iyong anak, ngunit maging sa iyo na rin. Ang nasabing suporta ang binubuo ng mga pangunahing pangangailangan ng isang tao para mabuhay, tulad ng pagkain, tirahan, damit, gamot, edukasyon, transportasyon at iba pang pangunahing pangangailangan na hindi maaa-ring mawala para mabuhay. (Articles 194 and 195, Family Code)

Subalit kung ang pagbibigay ng suporta ay hindi kusang ipinagkakaloob, maaaring hingiin sa oras na ito ay kailanganin na ng taong may karapatang humingi ng suporta. (Article 203, Family Code)

Kaugnay nito, kailangan kang magbigay ng abiso sa iyong asawa na kailangan na ng iyong anak ang kanyang suporta. Ito ay puwede mong gawin sa pamamagitan ng pagliham o ang personal na pagsabi nito sa kanya. Kung ang nasabing liham o personal na abiso ay hindi niya bibigyang-pansin, maaari kang dumulog sa hukuman upang magsampa ng “Petition for Support” laban sa kanya.

Maliban sa pagsasampa ng kasong sibil, maaari ka ring magsampa ng kasong kriminal laban sa kanya sa paglabag sa R.A. 7610 o ang batas na naglalayong protektahan at isulong ang karapatan ng mga kabataan laban sa pang-aabuso, eksploytasyon at diskriminasyon. Sinasabi ng batas na ito na ang hindi pagbibi-gay ng suporta o sustento ng isang tao na may obligasyong magbigay nito ay isang anyo ng pang-aabuso sa isang bata o menor-de-edad at kapag ito ay napatunayan, makukulong ang taong hindi nagbigay ng suporta. (Section 3 (3), RA 7610)

Bukod sa nabanggit na batas, mayroon pang batas na nagpaparusa sa mga lalaking hindi nagbibigay ng suporta sa kanilang anak at asawa. Ito ay ang R.A. 9262 o ang “Anti-Violence against Women and Their Children Act of 2004”. Isinasaad dito na ang paghinto o hindi pagbibigay ng isang lalaki ng suporta sa kanyang mga anak at asawa o kinakasamang babae ay isang uri ng pang-aabuso sa mga kababaihan at kanilang mga anak, kung saan mahigpit itong ipinagbabawal ng nasabing batas.

Atorni First
By Atorni Acosta

Previous articleOFW o diplomasya?
Next articleMo Twister is silent when it comes to issues involving his daughter with Bunny Paras

No posts to display