KAMAKAILAN AY magkasamang nag-perform sa Sunday All Stars sina Abra at Julie Anne San Jose. Kinanta nila ang sarili nilang composition na Deadma.
Magka-jive at okey naman ang kanilang tandem. Nagra-rap si Abra samantalang si Julie Anne naman ang sa chorus.
“Ako ang nagsulat ng verses, siya ang nagsulat ng chorus,” ani Abra nang makakuwentuhan namin.
“Single lang po ito na iri-release ng GMA Records. Nagtanong kasi sila dati kung ano raw ang puwede kong gawing single. Tapos naalala namin na meron pala kaming matagal nang iniisip ni Julie Anne na collaboration. Pero hindi pa namin alam kung ano. And then nag-uusap kami ni Julie sa ibang lugar naman… sa OPM event yata. Tapos nagkausap kami tungkoL sa religion at doon namin napag-usapan na rin ‘yong kanta. Nagkasundo kami na gumawa nga ng song na hindi conventional and something new.
“‘Yong songwriting process is like two to three weeks tumagal. Tapos ‘yong recording… one day lang. Ang maganda kasi bago namin isinulat ang kanta, napag-usapan na namin ‘yong concept. Kaya songwriting process, hindi na kami nag-usap. Pero no’ng inilatag na namin ‘yong part namin sa song, bagay na bagay. At saktong-sakto. So… astig! Wala nang kailangang ayusin. Wala nang kailangang baguhin. As is! Ako ‘yong darkness sa song. Siya naman ýong light sa song. Balance. Para maunawaan natin kung ano talaga ‘yong paniniwala tungkol sa Higher Power.”
Matagal na raw silang magkilala ni Julie Anne. Sa Party Pilipinas daw sila unang nag-meet no’ng nagsisimula pa lang daw siyang mag-guest sa mga TV shows. Naka-collaborate ko na rin siya no’n. Tapos do’n ko nakita si Julie na… astig. Kasi parang jive na jive. Na… ang galing, a! Ang galing mag-rap. Ang galing kumanta. Ang galing mag-perform. Tapos meron siyang oras sa stage. So, everytime talaga na nagpi-perform ako with Julie… enjoy. Eversince.”
Talagang close na sila ni Julie Anne? “We’re good friends!” sabay ngiti ni Abra.
Nagkakasama rin silang lumabas? “Hindi pa. Music-related kapag nagkikita kami.”
Natawa siya nang mabiro na baka siya ang sunod na ma-link kay Julie Anne. Kagaya ng Kapuso singer-actress ay single din yata siya ngayon.
“Ako… freelance. Hindi, joke lang!”tawa pa niya. “Naka-focus ako ngayon sa music. Basta… kung ano ang gustong mangyari ng kalawakan, iyon ang masusunod. Sabihin na lang natin na… may tamang oras ang pag-ibig. At darating na lang ‘yan sa hindi mo inaasahang panahon.”
Kinapos man sa height pero cute naman siya. Hindi niya naiisip na i-try ring mag-artista?
“Actually may mga offers na dati. Hindi ko lang tinanggap. Kasi mas gusto kong mag-focus muna sa music dahil hindi pa nakalabas ‘yong album ko. “Eh, parang iyon ang pinaka-essential… iyon ang essence ng pagiging artist ko. ‘Yong music, not really acting. Pero it’s something na worth-trying. Kasi ako, mahilig ako sa movies, e. So, gusto kong gumawa ng films. Kung may parating na mga acting experience, it would be good. It would be exciting.”
Tutok sa promo ng kanyang selg-titled na first album si Abra. At natutuwa siya sa balitang malapit na raw itong mag-gold record.
“Puro single muna kasi ‘yong lumabas ko dati,” pagtukoy niya sa mga kantang pinasikat niya na Gayuma, Ilusyon, at Diwata. “Lalabas pa lang ‘yong mga parating na music videos.”
Sinasabing kung meron mang puwedeng tumapat kay Gloc 9 bilang pangunahing rap artist ng bansa, siya lang at wala nang iba pa. Agree ba siya?
“Hindi po. Ay… siyempre walang katapat si Gloc 9. Pinakikinggan ko ‘yan. Iyan ang una kong pinakikinggan. Siya talaga ang nag-inspire sa akin na mag-rap, e. So, hindi ko siguro ihahanay ang sarili ko o ikukumpara kay Gloc 9. Kasi… veteran na ‘yon, e. Ako… baguhan pa lang po.”
Rap sensation siya kung bansagan ngayon?
“Hindi po. Si Anigma, ‘yong host ng Fliptop… siya ang pinakamaraming views!” tawa na naman ni Abra.
“Siya po ‘yong laging nasa gitna kapag may rap battle. Kaya siya ‘yong bagong sumisikat naman,” sabi pa ni Abra.
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan