BAGAMA’T TULAD ng lahat, matindi ang galit ko sa mga taxi driver na namimili ng pasahero lalo pa kapag ang mga pasaherong ayaw nilang pasakayin ay may mga dalang sanggol. Pero hindi sa lahat ng pagkakataon dahil may kasabihan ding “in every rule there is an exception”.
Ang taxi driver na si Reynaldo Unson ay tinikitan dahil sa pagtanggi niyang isakay ang isang grupo na may kasamang dalawang sanggol at isang paslit. Mali ang pagkakatiket kay Reynaldo dahil siya ang maituturing na the exception to the rule. Bakit ‘ika nyo?
Noong Sabado, September 29, pasado alas-tres ng madaling-araw, naghatid si Reynaldo ng pasahero sa Mall of Asia. Matapos niyang maibaba ang kanyang pasahero, napansin ni Reynaldo na maraming mga taong galing sa gimikan ang pumapara sa kanya ngunit ‘di niya ito hinintuan sapagkat inaantok na siya at maghahanap ng lugar para maparadahan at makapag-idlip.
Nakalampas nga siya sa ilang mga taong pumapara sa kanya, pero sa ‘di kalayuan, ‘di siya nakalusot sa isang lalaking humarang sa gitna ng daan na nakadipa.
HABANG NAGPAPALIWANAG si Reynaldo sa lalaki, biglang may sumulpot na anim pang katao na kinabibilangan ng isa pang lalaki, dalawang babae na may bitbit na tig-iisang sanggol at isang siyam na taong gulang na paslit. Pito silang lahat.
Kasunod na sumulpot din ang isang lalaki na nagpakilalang pulis. Siya ay si SPO1 Ricky Murillo mula sa kalapit na presinto. Binantaan ni Murillo si Reynaldo na kapag hindi niya isinakay ang pito, siya’y titikitan.
Napilitang isakay ni Reynaldo ang nasabing mga pasahero. Pero ‘di pa nakakalayo, napansin niyang sumasadsad ang puwetan ng kanyang taxi – ito ay dahil lahat ng mga sakay niya ay pawang matataba.
Nang bumaba si Reynaldo, napansin niyang malambot ang kanyang isang gulong sa likuran kaya sinabi niya ito sa mga pasahero, na siya namang labis na ikinagalit nila at tinawag muli si SPO1 Murillo.
Isinakay ni Murillo sa mobile ang pitong pasahero para ihatid samantalang pinatikitan niya si Reynaldo.
UNANG-UNA, KUNG meron man dapat na maparusahan, iyon ay ang mga iresponsableng matatandang kasama ng mga sanggol at paslit, at hindi si Reynaldo. Inamin ng grupo na sila ay galing sa isang gimikan.
Ibig sabihin, habang nag-eenjoy sa inuman ang apat na matatanda hanggang madaling-araw, kasama nila ang mga sanggol at bata sa mesa na kahalubilo ang iba pang mga tumador – na ang ilan sa kanila ay maaaring naninigarilyo pa.
Dapat sana umuwi nang maaga ang grupo at ‘di nagpaabot ng madaling-araw nang sa gayon marami pa silang taxi na masasakyan. Dito, puwedeng makasuhan ng child abuse partikular na sa aspetong Child Welfare Endangerment ang apat na matatandang kasama ng mga sanggol at paslit. Puwede ring masampahan ng parehong kaso ang gimikan na pinanggalingan ng grupo.
Pangalawa, kung nakakaintindi si Murillo sa ibig sabihin ng child welfare, dahil alanganing oras na at lasing pa ang kasama ng mga bata, sana sa umpisa pa lang, agad na ipinahatid ni Murillo sa mobile ang grupo nang ito ay lumapit sa kanya para masiguro na diretsong uwi na sila at ‘di na maghanap ng bukas pang gimikan. Pangatlo, wala namang balak si Reynaldo na hintuan ang grupo para tanungin ang kanilang destinasyon. Napilitan lang siyang huminto dahil humarang sa gitna ng daan ang isa sa kanila. At panghuli, bawal sumakay ang pitong pasahero sa isang taxi – overloading ang tawag dito. Dahil dito, tinulungan ko si Reynaldo na matabla ang kanyang tiket.
Shooting Range
Raffy Tulfo