Dear Atty. Acosta,
ISA AKONG PLAN holder ng isang pre-need company. Pinili ko na i-pre-terminate ang aking kontrata sa kanila. Ipinaalam sa akin ng kanilang ahente na ang Computed Pre-termination Value (CPV) ng aking plano ay P21, 568.00. Subalit sa halip na ibigay nila sa akin ang CPV ay inalok nila akong bayaran ng 40% lamang ng CPV, at ang natitirang 60% ay babayaran nila sa pamamagitan ng tsaang pampapayat, sabong pampaputi at tsokolate.
Maaari po ba nilang hindi ibigay ang kabuuan ng CPV at ipilit na magbigay ng ganitong mga bagay? Anong ahensya ng gobyerno po ba ang may kapangyarihang parusahan ang mga kumpanyang umaabuso sa kanilang mga kliyente?
Salamat at umaasa po ako na mabibigyan ninyo ng kasagutan itong aking sulat. Celso
Dear Mr. Celso,
ANG SECURITIES AND Exchange Commission (SEC) ang ahensya ng gobyerno na may kapangyarihan na tanggapin o tanggihan ang pagpaparehistro at pagkuha ng lisensya ng mga kumpanyang nais magnegosyo rito sa Pilipinas. Ito rin ang ahensyang nagpapatupad ng mga batas na may kaugnayan sa mga korporasyon at ang may kapangyarihan na tanggalan ng rehistro at lisensya ang mga kumpanyang lumalabag sa mga itinakda ng batas. Mayroon din itong kapangyarihan na pagsabihan o parusahan ang mga nangangasiwa ng mga kumpanyang lumalabag sa Corporation Code sa mga ipinapatupad na regulasyon ng SEC.
Kamakailan ay nagpalabas na ng kautusan ang Securities and Exchange Commission na isinususpinde ang Dealer’s License, Certificate of Registration at Permit to Sell Pre-need plans ng isang pre-need company. (SEC Pre-Need Order No. 029, Series of 2009) sapagkat napag-alaman ng naturang ahensya na ang parte ng ibinabayad ng nasabing kumpanya sa mga kliyente nito ay pagkain o gamit. Ayon sa SEC, ito ay malaking paglabag sa awtoridad ng kumpanya na nakatala sa rehistro at lisensya nito. Ayon sa Rule 12.1 and 12.6 of the New Rules on the Registration and Sale of Pre-need Plans, “No pre-need contract, x x x shall be amended or modified without prior approval of the Commission and such amendment or modification shall neither affect adversely the Plan holders thereof nor impair any term or condition in the pre-need plan or other related documents and any amendment which involves a change in benefits or the contract or actuarial assumptions shall require the issuer to file a new Registration Statement.” Maliban dito, may paglabag din ang nasabing pre-need company sa Rule 30 ng nabanggit na regulasyon na nagsasabing, “upon full payment of the plan holder [of the contract price], the issuer shall render to him, his assigns, or successors-in-interest the services or give the value thereof or deliver the property, or such other Benefits as stipulated in their pre-need plan.”
Samakatuwid, may pananagutan ang kumpanya hindi lamang base sa kontrata nito sa mga plan holders, kung hindi pati na rin sa mga ipinapatupad na batas at regulasyon ng SEC. Dahil hindi naman namodipika o naamyendahan ang kontrata ng mga plan holders na nagbibigay ng kakayahan dito na bayaran ang mga plan holders sa paraan ng pagkain o gamit, wala itong karapatan na baguhin ang benepisyong dapat matanggap ng mga plan holders nito. Hindi nito maaaring ipilit sa mga plan holders na tanggapin ang mga pagkain o gamit na kanilang inaalok. Kinakailangang tuparin ng kumpanya ang mga probisyon ng kontratang inyong
napagkasunduan. Marami sa ating mga kababayan na bumili ng pensyong gaya nito ay lubos na pinaghirapan ang perang ipinang-bayad dito. Kung kaya’t dapat lamang na ibigay sa mga gaya mo ang nararapat ninyong matanggap base na rin sa inyong kasunduan.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta