0929302xxxx – Idol, may i-rereklamo po kaming pulis na masyadong abusado. Nananakit po siya na umaabot pa sa panunutok ng baril. Hindi na nga po kami nagrereklamo sa hinihingi niyang butaw pero sumusobra na po siya. Isang PO1 pa lang po ang abusadong pulis-Biñan na ito. Sana po ay matulungan ninyo kami. Salamat po.
0918214xxxx – Sir, iko-complain ko lang po ang ASBU diyan sa may Baclaran kasi nahuli po kami pero hindi naman talaga mausok ang sasakyan namin. Grabe po silang dumiin ng selinyador. Tapos sinisingil na po kami ng penalty na isang libo pero wala namang silang resibo na ini-issue. Sana po ay makalampag ninyo sila. Marami pong salamat at mabuhay po kayo.
0916430xxxx – Idol Raffy, pakikalampag naman po ang mga kinauukulan dito sa Sitio Rizal, Alabang, Muntinlupa City dahil sa sunud-sunod na insidente ng akyat-bahay rito sa aming lugar nitong nagdaang dalawang buwan. Ni-report na po namin ito sa purok president pero walang nagawa, tumawag na po kami sa office ng barangay chairman para mag-report ng pangyayari at makapag-request ng barangay tanod para rumonda sa gabi ngunit walang sumasagot. Sana po ay matulungan n’yo kami na makalampag ang mga kinauukulan para matigil na ang nakawan na nangyayari sa aming lugar. Salamat po.
0928309xxxx – Sir, ire-report ko lang po ang talamak na pang-aagaw ng mga gamit o pera ng mga rugby boys tuwing gabi malapit sa Ramon Magsaysay-Cubao, nag-aabang sila sa tapat ng Nepa-Q Mart. Nag-aalala po ako sa mga estudyanteng umuuwi sa gabi at maaaring mabiktima ng mga rugby boys na ito. Sana po ay matawag ninyo ang mga kinauukulan dito para maprotektahan ang mga bata. Salamat po.
0907276xxxx – Sir Raffy, isusumbong ko lang po iyong nagngangalang Boy Negro ng Task Force Disiplina ng Caloocan. Sila po iyong nanghuhuli ng mga vendor dito. Sumosobra na po kasi si Boy Negro, kahit nakatabi na ang mga paninda ay kinukuha pa niya. Kapag pinalagan naman siya ng vendor, lagi niyang sinasabing hindi ninyo ako kaya at nagmamalaki pang marami na siyang ipinakulong na vendor. Siya raw ang batas at kung umasta ay akala mo pag-aari niya ang Caloocan. Sana po ay matulungan ninyo kami. Mara-ming salamat po.
0933135xxxx – Sir Raffy, isa po akong concerned parent ng Sta. Ana Elementary School sa Maynila, itatanong ko lang po kung bakit napakaraming babayaran ang mga grade one student dito? Katulad ng ID P40, workbook sa Filipino P110, workbook sa English P250, Red Triangle P40. Lumalabas na P440 ang lahat ng babayaran ng isang estudyante. Isa pong public school ang eskuwelahang ito, tama po bang maningil sila ng ganoon kalaki sa mga estudyante? Wala po bang pondo ang gobyerno para sa mga mag-aaral ng mga public schools?
Shooting Range
Raffy Tulfo