NATURINGAN AKONG “Action Man” ng aking programang WANTED SA RADYO dahil sa natatanging dahilan – ang agarang aksyon na aking ibinibigay, lalo na sa mga inaapi.
Sa ilang taon ng WSR, hindi na mabilang ang mga nabigyan natin ng tulong at aksyon pero ang ilan sa mga ito ay nangingibabaw.
Nariyan ang kuwento ng pangongotong ni SPO1 Jeffrey Manayan na dalawang beses inilapit sa amin at dalawang beses din naming inaksyunan. Ang unang sumbong sa amin ay ang garapalang pangongotong ni SPO1 Manayan ng bente pesos mula sa mga tricycle driver, at ang pangalawa ay ang P500 na kikil mula sa mga jeepney driver sa Ermita.
Para hindi na ito maulit, ipinagbigay-alam na namin ito sa spokesperson ng NCRPO na si Sr. Supt. Dionardo Carlos para iparating kay NCRPO Dir. Chief Supt. Leonardo Espina ang kabulastugan ni SPO1 Manayan. At ng aming malaman ang status ng kaso, nalaman namin kay MPD-TEU Chief Col. Reynaldo Lava na ipinatapon na ang pulpol na pulis na ito sa Norte.
NAPAUWI NG inyong lingkod si Raymond Basas – anak ni Reynaldo Basas na siyang lumapit sa WSR – trabahador ni Lower Bicutan, Taguig Chairman Eddie Andal nang hinold ni Chairman Andal si Basas at hindi pinapayagang lumabas ng bahay dahil pinagbibintangan niya itong nagnakaw ng P18,000.00 nang wala namang hawak na matibay na ebidensya – maliban sa cellphone ng biktima na kinuha ni Chairman Andal dahil bawal raw ito sa trabaho.
Matapos ang dalawang araw, lumapit sa amin ang tatay ni Raymond Basas na si Reynaldo Basas para magpasalamat sa maagang Pamasko ng WSR sa kanilang pamilya. Kasama ni Col. Celso Rodriguez, Deputy Chief ng Taguig, at ng Department of Social Welfare and Development, nakuha at naiuwi nila si Raymond Basas mula sa kamay nitong mapang-abusong Chairman.
NAIBALIK KAY Herminio Romano ang kanyang driver’s license nang i-hold ito ng Quirino Memorial Medical Center dahil hindi nila nabayaran nang buo ang nasabing ospital.
Nabayaran ni Romano ang bill na P7,000 at nang may ibigay na panibangong bill na nagkakahalagang P4,278, kinapos na sila at P1,500 lamang ang naibayad. Dahil dito, pilit siyang hiningan ng ID at sinabing balikan na lang pagkatapos ng ilang araw. Malaking perhuwisyo ito sa kanya dahil kailangan niya ang kanyang lisensya sa paghahanap-buhay.
Agad namang sinabi ni Rose Pineda, Head of Medical Social Service ng Quirino Memorial Medical Center, na ibibigay na niya ang ID ni Romano agad-agad sa oras na pumunta siya sa kanilang ospital.
ITO AY ilan lamang sa hindi na mabilang na mga kuwento ng aksyon at solusyon.
Ang hangad ko lamang ay mabigyan ng hustisya ang mga taong pinagkakaitan nito dahil lamang sa kapos sila sa buhay – ang matulungan ang mga naaapi at maging kakampi nila.
ANG INYONG lingkod ay mapakikinggan sa programang WANTED SA RADYO sa 92.3FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 p.m. Ito ay kasabay na mapanonood sa AksyonTV Channel 41. Sa mga nais magsumbong o magreklamo, magsadya lamang sa WSR Action Center na matatagpuan sa 163E Mother Ignacia St., Brgy. South Triangle, Quezon City. O hindi kaya’y mag-text sa aming text hotline sa 0949-4616064.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa T3 Reload, Lunes hanggang Biyernes, 5:30–6:00 p.m. sa TV5.
Shooting Range
Raffy Tulfo