TUWANG-TUWANG IBINALITA NG mag-asawang Sen. Bong Revilla at Cong. Lani Mercado na malaki-laki raw ang nalikom nilang donasyon nu’ng nakaraang renewal of vows nila.
In-announce nila noon na huwag nang magbigay ng regalo sa kanila kundi sa halip, magbigay na lang ng donasyon para sa kanilang RRJ Foundation.
Ang dami palang nagbigay ng donasyon at i-nipon nila para ipamahagi rin sa iba’t ibang lugar na tutulungan nila.
Nu’ng nakaraang Sabado, namigay sila ng school supplies sa mga batang mag-aaral ng Maliksi Elementary School sa Bacoor, Cavite. Simula lamang daw ‘yun nang pamamahagi nila ng mga nakuha nilang donasyon sa kanilang kasal. Hindi lang daw sa Cavite kundi pati sa ibang lalawigan ng bansa.
Naipangako na ito noon ni Sen. Bong, kaya kailangan daw niyang tuparin.
Parang gusto na nga niyang tanggapin ang isang drama series na inaalok sa kanya ng GMA-7 para ang kalahati daw ng talent fee niya roon ay gagamitin pa rin niya sa projects ng kanyang RRJ Foundation.
GANU’N DIN DAW ang balak ni Amy Austria, na ang lahat na kinita nito bilang artista ay ibibigay raw niya sa mga mahihirap at sa ibang projects ng simbahan.
Napagdesisyunan ito ni Amy pagkatapos niyang ma-hospital ng mahigit isang buwan.
Naging mahirap din kay Amy na malagpasan ang operasyong pinagdaanan niya at natakot din siya noon na buong akala niya ay matuluyan siya.
Ngayon, nakabalik siya dahil sa matinding kapit niya sa Diyos kaya pangako nito na kailangang ibalik din niya ito sa pamamagitan ng pagtulong sa mga nangangailangan.
Ayaw na nga sana ng asawa niyang si Duke Ventura na mag-artista siya, pero kailangan niyang gawin dahil gusto na niyang makatulong.
Bumalik na nga si Amy sa pag-taping sa Minsan Lang Kita Iibigin, at medyo matagal-tagal pa siya roon, dahil lalo pang tumitindi ang kuwento ng teleseryeng ito.
Pagkatapos nitong Minsan, gusto pa ng ABS-CBN 2 na bigyan siya ng programa pero pinag-iisipan pa niya kung gagawin niya ito dahil kailangan din naman niyang pangalagaan ang kalusugan niya.
Kung sakaling tatanggapin niya ito, dahil gusto lang niyang makatulong sa mga mahihirap lalo na sa pag-aaral sa mga batang kapus-palad.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis