AFTER ROCHELLE PANGILINAN, isa na namang SexBomb girl ang gustong mag-concentrate na lang sa acting at ito ay si Sunshine Garcia. Gusto na raw kasi nitong huminto na sa pagsasayaw at ipagpatuloy na lang ang pag-arte na kasalukuyan niyang ginagawa.
Kung sa bagay, tsika ng aming source, may puwang naman daw sa mundo ng pag-arte si Sunshine dahil magaling itong umarte lalung-lalo na sa pagkokontrabida. Masyadong nahasa na raw sa ac-ting si Sunshine sa defunct show ng kanilang grupo, ang Daisy Siete, na nagagamit nito ngayon sa kanyang regular show sa GMA-7, ang Magic Palayok.
Bukod sa Magic Palayok, paborito ring kuning guest si Sunshine sa mga shows ng TV5 at ngayon nga ay sa ABS-CBN, kung saan maraming naaaliw na manonood dito sa tuwing maggi-guest sa Banana Split. Pero nangako naman daw si Sunshine na kahit hindi na siya sumasayaw, hinding-hindi niya iiwan ang SexBomb at ang kanyang manager na si Joy Cancio.
NAPAKASUWERTE NAMAN NG isa sa mahusay at maituturing na singing icon na si Mr. Jose Mari Chan dahil among singers sa bansa, siya lang ang binigyan ng tribute ng mga mahuhusay na composers/arrangers sa Amerika.
Kaya naman sa kanyang bagong released na album, ang “Manhattan Connection, The Songs of Jose Mari Chan” under Universal Records at produced ng miyembro ng American singing icon na si Janis Sigel ng Manhattan Transfer at ni Yaron Gershovsky, binigyan ng bagong tunog ng mga batikan at sikat na arranger sa Amerika ang 10 sa kanyang awitin.
Bukod sa pagbabago ng areglo, inawit din ang kanyang mga awitin ng mga international singer sa Amerika na 1st time na mangyayari sa isang Pinoy singer. Laman ng kanyang album ang mga awiting “Constant Change”, “Stay My Love”, “Like Night and Day”, “Thank You, Love”, “I have Found My World in You”, “Easier Said Than Done”, “A Heart’s Journey”, “Love Lost”, “Walking in the Midnight”, “So, I’ll Go”, “Spell Bound”, at ang reprise ng “Constant Change”.
AYAW RAW MUNANG sumabak sa pagpo-pose nang sexy sa men’s mag ang GMAAC star na si Bela Padilla dahil balak daw nitong sumali sa 2012 Binibining Pilipinas. Tsika ni Bela, bata pa raw siya ay pangarap na niya ang maging beauty queen kaya naman daw sa paglaki niya, nais nitong tuparin ang kanyang pangarap.
Kaya naman daw ngayong taon, puspusan ang kanyang pagha-handa at lagi siyang nanonood ng iba’t ibang beauty contest nang sa ganu’n ay handang-handa na siya sa pagsali next year.
Tsika pa nito, after Machete ay isang pelikula ang kanyang gagawin na ayaw pa nitong sabihin ang title at kung sinu-sino ang kanyang makakasama habang naghihintay pa siya ng bagong proyekto sa TV.
BALITANG IGU-GROOM NG Regal Films bilang next Richard Gomez ang Tween Hearts at Master Showman mainstay at pamangkin ng yumaong Francis Magalona na si Hiro Magalona.
Tsika ng aming source, nakitaan daw ng potential ni Mother Lily Monteverde na isa sa masasabing star-builder sa bansa ang 5’10” at 16 years old Kapuso young actor. Kaya naman daw hindi ito nagdalawang-isip na gawing Regal Baby ito at isama sa kanyang mga naka-line up na pelikula.
Katulad daw kasi ni Richard, taglay ni Hiro ang ganda ng height, maamong mukha at napakagandang rehistro ng mukha sa TV. Bukod pa sa may lalim din itong umarte kahit isang baguhan.
Kaya naman daw naniniwala si Mother Lily na isa si Hiro sa aabangang artista ngayong 2011 at malaki ang potential na magniningning ang bituin bago matapos ang taon at magpapatuloy hanggang sa susunod na taon.
John’s Point
by John Fontanilla