KUNG TAMA ang dinig namin, tuloy na ang pagkandidato ni Aga Muhlach bilang congressman o representative ng Cam Sur. Ilan nang kababayan ang nagtu-tweet sa amin na inuumpisahan na nga ni Aga ang pagbaba-baba sa mga constituents niya.
Sa mga hindi nakakaalam, malaki pala ang angkan ni Aga sa Cam Sur sa father side, kaya last week, nagkaroon ng family reunion at ayon sa ate nitong si Arlene, na-shock daw siya sa dami ng kaanak na dumalo.
“Siguro, mga 800 ‘yon, pero dahil parang nagkaroon na ng show, eh, ang dami ring kababayan doon ang nanood na rin.”
Tatakbo na nga si Aga. Babanggain ng aktor ang malaking pangalan sa larangan ng pulitika roon. Pero malay naman natin kung masungkit niya ang puso ng kanyang mga kababayan, ‘di ba?
Si Aga sa tuwing nagsasalita ay nagbi-Bicolano, kaya naaaliw sa kanya ang mga taga-Cam Sur.
Meron na ngang tagline si Aga roon, Ang “Marhay Na Aga” o “Magandang umaga” sa salitang Bicol.
Isa sa mga nag-convince kay Aga na pumasok sa pulitika ay ang kaibigan niyang si Gov. El Rey Villafuerte.
‘Yung iba’y iniisip na magre-retire na si Aga sa showbiz, kaya gusto naman nitong pumalaot sa pulitika.
Ang tanong: paano na ang kontrata ni Aga sa TV5?
NANGUNGUNA NAMAN sa survey ng mga tatakbong mayor ng Ormoc City si Richard Gomez. Na-excite si Richard, kaya nu’ng tinanong namin siya sa set ng Walang Hanggan, sabi niya, “Malaki ang chance na tumakbo nga akong mayor. Si Lucy will seek for a reelection. Walang duda kay Lucy, dahil gusto siya ng mga ka-distrito namin, eh. Landslide siya sa survey.”
Ba’t naman siya tatakbo?
“Me mga kalaban kasi na matitigas ang ulo, eh. ‘Yung iba, sangkot pa sa droga. Nagsusumbong na nga sa amin ‘yung ibang constituents, dahil sobra na raw.”
Hindi na namin tinanong pa si Richard kumba’t galit siya sa droga, dahil noon pa naman ay meron na siyang slogan na naging party-list, ‘yung MAD o Mamamayan Ayaw Sa Droga. Advocacy ni Richard ‘yon.
Hindi na binanggit ni Richard ang mga kalabang gustong maghari-harian, dahil “nilulusot” ang malaking pera sa droga.
“Tama na sila. Kawawa naman ang mga tao!”
Well, for that, you will have my support, Sir Marco!
KAHAPON ANG 1st death anniversary ng papasikat na sanang si AJ Perez. At talagang inilibre namin ang April 17 namin para personal na mabisita ang puntod ng aktor na napakabait.
(Ayan, naiiyak na naman ako habang sinusulat ito). Personal din kaming inimbita ng pamilya ni AJ para samahan sila sa isang simpleng gathering at misa.
Si Daddy Gerry, nu’ng huli naming kausap habang palabas nu’ng Biyernes Santo ang “Tsinelas” episode ni AJ sa MMK, ay iyak nang iyak habang sinasambit niya ang mga katagang, “Ogs, hindi ko pa rin matanggap na wala na si AJ!
“Umiiyak ako habang pinapanood namin ang huling MMK ng anak ko. Ogs, ang laki talaga ng in-improve ng anak-anakan mo sa akting, Ogs. Nanghihinayang talaga ako.
“Pero wala na ‘kong magagawa, Ogs. Alam ko namang he’s happy where he is right now, eh. Dapat, happy na rin ako for him. Pero tatay lang ako, Ogs, eh. Masakit pa rin.”
Nagkaiyakan na tuloy kami ni Daddy Gerry.
Pero lagi namang may dahilan si God kumbakit kailangang mangyari ang isang bagay, eh. At mas magandang dahilan.
Basta ang importante, kahit sa napakaagang panahon, maraming napaligaya si AJ. Marami rin siyang iniwang magandang alaala sa amin. Isang napakabait na bata.
Oh My G!
by Ogie Diaz