VERY HONEST na sinabi ng mahusay na host ng Let’s Ask Pilipinas sa TV5 na si Aga Muhlach na aminado siya na nakikipaglandian siya sa mga magaganda at seksing babae na nagiging contestants ng kanyang show, pero ginagawa lang niya ‘yun para maging masaya at may kilig sa mga nanonood ng Let’s Ask Pilipinas.
Pero in real life daw, hindi niya magagawang magloko, dahil mahal na mahal niya ang kanyang asawang si Charlene Gonzales. Bakit pa raw siya magloloko samantalang bukod sa maganda at maasikaso ay sobrang bait at understanding ng kanyang asawa.
Maituturing niya raw na super suwerte niya sa pagkakaroon sa buhay ng isang Charlene Gonzales. Wala na raw siyang mahihiling pa dahil si Charlene at ang kanyang mga anak ang kumukumpleto ng kanyang na buhay.
Kaya naman daw kahit busy sa dami ng kanyang trabaho, lagi siyang naglalaan ng oras sa pamilya, dahil iba raw kasi kapag may mga oras na magkakasama silang pamilya, mas nagiging solid at mas napapamahal sa isa’t isa.
Kaya naman daw this Christmas at New Year, sa ibang bansa silang magpapamilya magseselebra ng Kapaskuhan at Bagong Taon at after New Year babalik ng Pilipinas para bumalik sa trabaho.
MAGKASAMANG AAWITAN at bibigyang-saya ng mag-asawang Ogie Alcasid at Regine Velazquez ang Yolanda survivors na nasa Villamor Air Base (Pasay City) sa December 7.
Kung saan doon daw magluluto si Regine ng kanyang espesyal na putahe na ipatitikim sa Yolanda survivors at sabay rin nilang aawitan ang mga ito para maibsan man lamang ang lungkot na nararamdaman ng mga kababayan na dumanas ng hirap sa pananalasa ng bagyong Yolanda.
Magandang ehemplo nga ang mag-asawa na talaga namang gumagawa ng paraan para makatulong sa abot ng kanilang makakaya sa ating mga nasalantang mga kababayan sa Visayas. Bumisita nga si Ogie sa tanggapan ni Armed Forces Chief of Staff Gen. Emmanuel Bautista sa Camp Aguinaldo, Quezon City upang humingi ng permiso para sa kanilang ibabahaging kontribusyon para sa mga biktima ng bagyo.
Sinamahan si Ogie nina retried Col. Samuel Sagun, dating commander ng 7th Civil Relations Group (7CRG), at Brig. Gen. Rolando Jungco, commander ng AFP Civil Relations Service (CRS).
NAGING MATAGUMPAY, kung saan pinalakpakan at tinilian, ang tinaguriang Twitter Cutties at isa sa sikat na boyband sa bansa, ang UPGRADE sa launching ng newest album ng One Direction na ginanap last Nov. 30 sa Glorietta 5 nang awitin nila ang ilang awiting pinasikat ng 1D na hatid ng Odyssey, Ivory Record at Penshoppe.
Masayang-masaya nga ang UPGRADE na kinabibilangan nina Kcee Martinez, Ron Galang, Rhem Enjavi, Raymond Tay, Armond Bernas, Mark Baracael at Miggy San Pablo dahil sa mainit na pagtanggap sa kanila ng mga tagahanga ng 1D.
Nagpapasalamat din ang UPGRADE sa kanilang loyal na tagahanga, ang UPGRADERS, mula sa Solid Upgraders, Certified Upgraders, Upgirls at United Upgraders na present at pumunta sa Glorietta 5.
John’s Point
by John Fontanilla