AYON sa dating matinee idol at multi-awarded actor na si Aga Muhlach, mas gusto niyang gugulin ang kanyang lakas at panahon sa pagtatrabaho lalo pa nga’t nasa alert level 1 na ang Pilipinas at unti-unti nang bumabalik sa normal ang lahat.
“Right now medyo work mode talaga ako. I just wanna take advantage while the kids are not here. I just wanna work, really work and work,” simula ni Aga sa aming interview kasama ng ilang showbiz press sa virtual presscon ng Bida Kayo Kay Aga.
Patuloy niya, “May mga panahon kasi na minsan nagtatanong ka na gusto ko pa bang magtrabaho or ito ba talaga ang ano ko, ganyan-ganyan. And when you start taping, parang ito talaga yung pagkatao ko, eh.
“Artista talaga ako or mahilig talaga ako sa publiko. I like working with people. And I just hope it keeps on growing, keeps on growing.”
Babalik din daw si Aga sa paggawa ng pelikula anytime soon.
“May naka-line-up naman ako bago mag-pandemic, naka-set-up na yon so that’s gonna happen anytime but medyo may dumating sa akin na medyo big project siya as in super big.
“Kung saka-sakali kung matutuloy yon I will shoot this year but if not I will shoot next year na. Next year na ako gagawa ng pelikula para yung theaters at yung mga tao hindi na takot talagang pumasok sa sinehan,” kuwento ni Aga.
Nahingi rin ang reaksyon ni Aga sa remake ng pelikula niyang Sa Aking Mga Kamay noong 1996 na prinodyus ng Star Cinema mula sa direksyon ni Rory Quintos. This time ay ginawang The Ribirth of the Cattleya Killer ang title nito na pinagbibidahan naman ni Arjo Atayde.
“Si Arjo is my inaanak. I’ve seen some of his shows na ginawa niya lalo na do’n sa Netflix and ang galing niya. Ang galing niyang umarte talaga, mahusay siya,” initial reaction ng mister ni Charlene Gonzales.
“Kaya nga nung sinabing gagawin niya yon sabi ko by all means, bakit naman hindi? Sino naman ako para magsabing no, eh, hindi naman ako ang may-ari ng pelikulang yon but nakakatuwa naman na isang magaling na artista ang gumanap.
“Hindi naman nila kailangang humingi ng permiso sa akin. Nagsabi lang sila, nagbigay-pugay lang na gagawin yung pelikula. Sabi ko salamat, ang ganda naman, di ba?” masayang pahayag ni Aga.