NAG-AARAL sa ibang bansa ang kambal na anak nina Aga Muhlach at Charlene Gonzales. Nasa London si Atasha samantalang nasa Spain naman si Andres. Ayon kay Aga, hindi naging mahirap ang naging adjustment sa kanila ni Charlene nang umalis ng Pilipinas ang kanilang mga anak para sa ibang bansa tapusin ang kanilang kolehiyo.
“Unang-una, honestly, it wasn’t so hard for… hindi naging mahirap masyado para sa amin ni Charlene na umalis yung mga anak namin para sa kolehiyo,” ani Aga nang makausap namin siya sa digital mediacon ng kanyang Bida Kayo Kay Aga project.
Patuloy ng aktor, “Mula kasi nung nag-asawa kami ni Charlene pinag-uusapan na namin yan, na at the end of the day tayong dalawa ang magkasama talaaga. Ang mga anak natin ay nilikha natin, nilikha ng panginoon pero ibig kong sabihinn ang anak natin pag laki niyan mag-asawa, iiwan din tayo, magkakapamilya. Ang importante, sabi ko tayong dalawa magkasama talaga.
“So nasanay kami nang ganun, and also at the same time napakaganda din ng nangyayari ngayon because of the internet at hindi na mahirap kasi puwede kayong mag-usap araw-araw. Puwede kayong magkita kasi there is Facetime, may mga apps para magakita-kita ngayon at magkausap ang pamilyag magkakalayo sa isa’t isa. Nandyan lahat yan. “
Malaking bagay din daw na nung kasagsagan ng covid-19 pandemic sa Pilipinas ay nasa ibang bansa ang kanilang dalawang anak.
“Nung kalagitnaan ng pandemya sa Europa at sa Amerika medyo bukas sila ng konti, so mas nakakaikot ang mga anak ko don kaya masaya kami kesa nakakulong sila dito mas mabuting nandon sila nakakagala sila.
“Pangalawa, masaya rin kami more than malungkot dahil alam namin yung anak namin nagiging independent dahil sila lang ang nando’n. Natututo silang kumilos mag-isa, magluto mag-isa, mag-ayos ng kuwarto nila, ng gamit nila, mag-budget ng pera nila, lahat.
“So habang nangyayari yan alam namin na mahirap para sa kanila sa umpisa pero alam namin na sa ikabubuti rin nila yon. At dahil sa alam namin na yon maganda ang pakiramdam ng puso naming mag-asawa. Nagiging responsible ang mga anak namin,” pagmamalaki pa ni Aga tungkol sa mga anak.