NAITANONG NI CRISTY Fermin sa panayam nito kay MTRCB Chairman Mary Grace Poe para sa Paparazzi kung napatawad na ba niya ang mga nanglait, nagpatutsada at dumungis sa magandang pangalan ng kanyang ama na si Fernando Poe Jr. noong tumakbo itong pangulo ng bansa?
“Mahirap kasing magpatawad lalong-lalo na kung hindi naman humingi ng kapatawaran. Hindi man nila naiisip na meron silang masamang ginawa, o hindi nila pinapakita na mali ‘yung ginawa nila, so para sa akin, hindi ko lugar na magpatawad sa mga taong hindi naman nagsasabi,” sagot ni Mary Grace.
Nabanggit din ng TV host-columnist na baka sa susunod niyang panayam kay Mary Grace ay hindi na sa opisina ng MTRCB kundi sa bulwagan na nang Senado.
“Sa ngayon, hindi ko masasagot ‘yan, lalo na ngayon, tama ‘yung sinabi ng mga tao, huwag muna akong mag-consider na tumakbo for the Senate dahil wala pa akong experience sa public service. Nakikita ko pa lang ito ngayon, gusto ko munang patunayan kong kaya ko ba talaga, kung may magagawa akong maganda,” pahayag pa ng MTRCB chair.
WALA NANG MAKAKAPIGIL pa sa pagkakaroon ng ‘Babaeng Hampaslupa Fever’! Hindi lamang ito tinutukan ng sambayanan nu’ng pilot week kundi maging sa pangalawang linggo nito ay tinambayan pa rin ng madla para subaybayan ang kuwento ni Grace, ang karakter na ginampanan ni Alex Gonzaga.
Kabado man nu’ng una, todo-ngiti na si Alex na walang kapagurang pinatunayang hindi nagkamali ang pamunuan ng TV5 sa pagpili sa kanya bi-lang bida sa Babaeng Hampaslupa. Kahit abala sa kabi-kabilang shows sa Singko, hindi ito hadlang para kay Alex para magtext gabi-gabi sa kanyang mga kaibigan upang mag-imbitang manood ng teleserye.
Kaya sa lahat ng bumubuo ng palabas, isang malaking pagpupugay. At siyempre, congratulations!
BLIND ITEM: KINSA siya? Nakakatuwa ang kuwento ng aming very ‘unimpeachable’ source sa isang kasalan na kanyang dinaluhan. Agaw-eksena daw itong former beauty queen sa pictorial ng bagong kasal.
Ang kuwento, pagpasok sa garden ng bagong kasal sa hotel kunsaan gaganapin ang reception, siyempre, pictorial daw muna ang newlyweds para naman may souvenir sa hotel. Abalang-abala ang mga photographers sa pagkuha ng mga litrato sa bagong kasal nang napansin ng aming source na sa kabilang banda ng garden, itong si former beauty queen ay litrato nang litrato sa kanyang sarili.
May eksena pang para siyang model at nakatayong paseksi na humawak sa puno ng niyog na parang nang-aakit. Tawanan ang mga nakasaksi ng eksena ng former beauty queen dahil hindi talaga siya tumigil hangga’t hindi rin natapos ang pictorial ng mga ikinasal.
Sure na ‘to
By Arniel Serato