Agawan sa Ari-Arian ng mga Magulang

Dear Atty. Acosta,

KAMI PO ay anim na magkakapatid at patay na po ang tatlo. Ang bunso po naming magkakapatid ay seaman at sa madaling salita, may pera. Pinabago niya ang bahay ng aming mga magulang.

Patay na po ang aming ama at magtatatlong taon na pong namamatay ang aming ina, nasa kanya po ang orihinal na titulo at ang xerox copy ay nasa amin ng ate ko. Ang ate po namin ay may asawa na po at doon nakatira sa asawa niya at ang bunso ay may asawa na rin at siyam na anak. At ako po ay wala pang asawa, minsan po nag-away kami at gusto niya akong palayasin sa bahay dahil siya raw ang nagpagawa. Tama po ba siya roon? Paano po ba ang hatian sa mana? Sino po ang masusunod sa aming dalawa, ang bunso na may pera o ang nakatatanda na walang pera?

Gusto ko po sanang mahati sa tamang hatian para ako na po ang magbabayad ng amilyar sa lupa at para maging legal.  Papaano po ang sinasabi niyang bahay, papaano ang mangyayari sa amin? Magiging kanya po ba ang buong bahay na iyon? Hanggang dito na lang po ang aking liham at sana mabigyan ninyo ng kasagutan.

Lubos na gumagalang,

Rey

Dear Rey,

ANG LAHAT ng anak ay may pantay-pantay na karapatan sa mga iniwang ari-arian ng kanilang namayapa nang mga magulang. Kung walang iniwang huling habilin ang inyong magulang, hindi kayo o sinuman sa mga kapatid ninyo ang masusunod tungkol sa hatian ng ari-arian, ang batas ang nagtatakda ng tamang paraan ng hatian sa mga ganitong pagkakataon.

Ayon sa batas, ang mga lehitimong anak ay magmamana sa kanilang mga magulang nang pantay at walang pagkakaiba base sa edad o kasarian ng mga ito. (Art. 978, Civil Code of the Philippines) Samakatuwid, pare-pareho ang makukuha ninyong magkakapatid. Nais din naming ipaalam sa inyo na kahit namatay na ang inyong ibang mga kapatid, sila ay may karapatan pa ring magmana sa inyong mga magulang sa pamamagitan ng kanilang mga anak, kung mayroon man. Kung wala naman silang naiwang anak, paghahati-hatian ninyong tatlo nang pantay ang mga bahagi na dapat ay sa kanila. (Art. 1018, Civil Code of the Philippines)

Bago mahati ang ari-arian na naiwan ng inyong mga magulang, tinuturing na pag-aari ninyong magkakapatid ang nabanggit na ari-arian. (Art. 1078, Civil Code of the Philippines) Samakatuwid, walang isa man sa inyo ang maaaring mag-angkin ng isang partikular na bahagi dahil nga ito ay hindi pa napapartisyon. Bilang tagapagmana, mayroon kayong karapatan na hilingin ang pagpapartisyon ng ari-arian ng inyong magulang upang mahati na ito at malaman na ninyo kung kanino mapupunta ang bahagi ng ari-arian na naiwan ng inyong magulang (Art. 1083, Civil Code of the Philippines).

Dahil na rin kayo ay isa sa nagmamay-ari ng lupa kung saan nakatayo ang bahay na ipinagawa ng inyong kapatid, hindi kayo maaaring paalisin ng inyong kapatid. Kung kayong mga tagapagmana ay makapag-uusap at magkakasundo sa hatian ng lupa, hindi na ninyo kinakailangan pang pumunta sa husgado upang hatiin ang lupa. Kung posible, maaari na lamang ninyong italaga ang bahagi ng lupa kung saan nakatayo ang bahay na siyang parte na mapupunta sa inyong bunsong kapatid. Kung maliit lamang ang lupa at hindi ito praktikal na hatiin, maaari na lamang ninyong ibenta ito kasama ang bahay at paghati-hatian ang pinagbentahan pagkatapos ibawas ang nagastos ng inyong kapatid sa pagpapagawa ng bahay. Subalit kung hindi kayo magkasundo, kinakailangan nang dalhin ang usapin sa husgado upang ito na ang magdesisyon kung paano hahatiin ang nasabing lupa.

Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyon na ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong ibang mai-dagdag.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleHigit Pa Sa Remittance…
Next articleJan “Pacboy” Manual, sa kawalan ng magawa, nagloko na na-comatose!

No posts to display